Malinis na Kanal sa Japan, Tahanan ng mga Koi Fish



Malaki na ang ipinagbago ng ating kapaligiran gawa ng global warming at climate change. Bunga ito ng kapabayaan natin gaya na lamang ng hindi tamang pagtatapon ng basura. Ang mga basurang ito rin ang nagiging dahilan ng pagbara sa mga daluyan ng tubig at kanal. Ang pagbara ng mga basura ang nangungunang sanhi ng pagbaha na nakapagdudulot na ngayon ng malaking abala at pinsala sa atin.

Wala ng ipinagkaiba ang epekto ng habagat at bagyo sa Pilipinas. Dahil sa mga baradong kanal at daluyan ng tubig, nagbabaha na kaagad sa ating bansa. Nakakalungkot isipin kung kailan lamang may mga matinding pagbaha o kalamidad, saka lamang kikilos ang ating mga mamamayan at gobyerno na kung tutuusin ay maiiwasan natin agad kung tama ang segregasyon natin sa basura.


Nakakaranas man ng pagbaha o kalamidad sa Japan, kahanga-hanga pa rin ang kalinisan ng mga kanal sa naturang bansa. Sa katunayan, ang kanilang malilinis na kanal ay pinamamahayan ng mga makukulay na isda na kung tawagin nila ay “koi fish”.




Ang mga koi fish na naninirahan sa mga pasilyo at kanal ay nagbibigay ng kulay sa paligid. Nakakatulong din ang mga itong pantagal ng stress dahil nakatutuwa silang pagmasdan. Bukod pa rito, ang aksyong ito ng Japan ay bunsod ng kanilang pagsisikap na magkaroon ng harmony ang mga tao at hayop.

Hindi naman nagpatalo ang mga Pinoy sa aksyong ito ng Japan. Kung ang Japan daw ay may mga koi fish sa mga kanal at estero nito, sa Pilipinas naman ay mga may ipis at daga na nagsisilbing pambalanse sa relasyon ng mga tao at hayop.


Naging biro man ang tugon ng ating mga kababayan, sana naman ay maging seryoso ang ating aksyon sa problema natin sa basura. Makiisa at makipagtulungan sana bawat isa upang mabawasan ang mga basura natin sa mga kanal at kung saan pa. Paigtingin nawa ng ating gobyerno ang kanilang laban sa mga epekto ng basura upang makamit ang harmony ng mga tao, hayop at pati na rin ng ating kapaligiran.




error: Content is protected !!