Pagtitinda ng Isda ay Pinagkakitaan ng Isang Pari Upang Makapagpatayo ng Simbahan sa Basilan

Ang pagpapari ay isang bokasyong pinipili lamang ng iilan. Ang makabuluhang bokasyong ito ay naglalayong maipalaganap ang Salita ng Diyos. Hindi ito madali dahil ito ay puno ng sakripisyo upang mapaglingkuran ang Panginoon at ang sambayanan. Ang paglilingkod sa Panginoon at sa simbahan ay walang katapat na halaga. Ngunit upang mapanatili ang kagandahan at kaayusan ng ating pook-dalanginan, kailangan din ng perang panggastos dito.

Kadalasan ang pondo ng simbahan ay mula sa mga alay at donasyon. Masasabi nating hindi tiyak na sasapat ang mga pinagkukunang ito sapagkat boluntaryo lamang ang pagbibigay ng ating mga kababayan. Paano pa kaya makakapagpatayo ng simbahan kung limitado lamang ang pera ng ating kaparian? Noong Marso 2017, nagviral sa social media ang kuwento ni Fr. Silagpo. Talaga namang kahanga-hanga ang kanyang istorya sapagkat natupad niya ang kanyang pinapangarap para sa mga kababayan niya sa Basilan.

Pinangarap ni Fr. Silagpo na makapagpatayo ng simbahan sa kanilang lugar. Hinangad niya ito para sa mga kanyang mga kababayan. Upang makalikom ng pera sa pagpapatayo ng simbahan, nagtinda si Fr. Silagpo ng isda araw-araw. Ginamit niya ang isang daang libong pisong pondo ng simbahan bilang puhunan sa pagtitinda. Hindi naging madali para kay Fr. Silagpo ang pagtupad ng pangarap. May mga taong tumuligsa sa kanyang desisyong magtinda ng isda dahil sa paniniwalang ito ay hindi maganda para sa kanyang imahe bilang isang pari.


Hindi ininda ni Fr. Silagpo ang mga puna sa kanya. Hindi siya nawalan ng pag-asa at pananampalataya na makakamtan niya ang kanyang pangarap. At makalipas nga ang isang taon, naipatayo niya ang San Antonio de Padua Parish Church. Anila, ang simbahang ito ay nagkakahalagang siyam na milyong piso. Tunay na mapagkukunan ng inspirasyon ang ginawang ito ni Fr. Silagpo. Dahil sa kanyang matinding pananampalataya at sa tulong na rin ng kanyang mga mabubuting kababayan, nakamtan niya ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng simbahan.


Pinatunayan ni Fr. Silagpo na walang imposible kung ito ay iyong nanaiisin. At higit sa lahat, walang imposible kung ikaw ay may paniniwala at pananampalataya sa Diyos.

Source:GoodNetwork



Reply