Mga mamimili tinulungan ang matandang lalaki na ito na maubos ang kaniyang paninda upang maalagaan ang asawang may sakit



Hindi lamang sipag at tiyaga ang kailangan upang maging matagumpay ang isang negosyo. Malaking bagay rin ang pagkakaroon ng mga suki at mga mamimiling tatangkilik sa mga paninda o mga produkto. Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang kwento ng mag-asawang ito mula sa Seal Beach, California. May higit ilang dekada na ring nagtitinda ng donut ang mag-asawang John Cchan at misis nitong si Stella. Maaga silang nagigising upang buksan ang kanilang donut shop na pinangalanan nilang Donut City.



Sa maraming taon nilang nagtitinda ay nagkaroon sila ng maraming mga suki at mamimili. Ngunit sa kasamaang pala ay nagkaroon ng “aneurism” si Stella at naging dahilan upang manghina ito at ipasok sa isang rehab upang mapagaling. Simula noon ay mag-isa nang nagtinda at namahala ang mister sa kanilang tindahan. Matapos niyang makaubos ng tindang donut ay saka pa lang siya makakapunta sa rehabilitation center ng kanyang misis at noon pa lamang niya ito maaasikaso. Nang mapag-alaman ng kanilang mga suki ang nangyari marami sa kanila ang bumibili na ng dose-dosenang donut para lamang makaubos agad ang mister at makapagsarado ng maaga upang makatungo sa kanyang misis.


Napag-alaman din ito ng kanilang mga kapitbahay at mga tao sa kanilang komunidad at talaga namang tumulong silang lahat sa mag-asawa. Halos alas-otso pa lamang ng umaga ay ubos na ang paninda ni John at naisara na niya ito. Agad din niyang nadalaw at naalagaan ang kanyang mahal na asawa.


Balak pa ng ibang mga suki at kakilala ng mag-asawa na gumawa ng fundraising campaign para sa kanila ngunit tinanggihan ito ni John. Masaya na raw siya na makapagsarado ng maaga ng kanyang tindahan at makasama ang kanyang kabiyak. Talaga namang nakakamangha ang ganitong uri ng pagmamahal na ibinahagi ng mag-asawa sa maraming tao. Nawa ay mas marami pang tao ang tumulong sa kanilang mag-asawa.




error: Content is protected !!