Silipin at tunghayan ang kauna-unahang underground hotel ng China



Ang Intercontinental Shanghai Wonderland ay matatagpuan sa 288 feet sa ilalim ng lupa?! Ito lang naman ang natatangi at kauna-unahang underground hotel na matatagpuan sa Tsina. Ito ay itinayo sa loob ng isang abandonadong quarry o tibagan. Tinatawag din itong “eartscraper” ng iilan.



Ang nakakamanghang hotel na ito ay makikita sa Songjiang district sa Tsina. Kilala rin naman ito sa tawag na Shimao Quarry Hotel dahil sa ito ay itinayo sa dating tibagan. Mayroon ditong 336 na mga kwarto na karamihan ay mayroong napakagandang tanawin ng lawa.


Bagamat tila bigla na lamang ito sumulpot sa lugar na ito, sa katunayan ay inabot din ng halos isang dekada upang matapos ang istrukturang ito. Ayon sa ilang ulat, sinasabing umabot ng 2 bilyong Yuan o $287.9 milyon ang pagpapagawa ng hotel na ito.


Marahil ay nagtataka kayo kung bakit ito tinawag na “Wonderland” ito ay dahil sa mayroong sports at recreation facilities para sa rock climbing at bungee jumping. Mayroon din itong amusement park sa tabi samantalang ang lawa naman ay para sa mga water sports. Plano rin nilang dagdagan at patayuan ng shopping center ang hotel na ito sa susunod na taon.



Bagamat mapanganib ang kinatatayuan ng hotel na ito sa iilan, buong pagmamalaki namang ibinahagi ng mga nagtayo na kaya nitong malampasan ang magnitude 9 na lindol at handa rin naman ang gusali sa sunog at baha.

Ang Intercontinental Shanghai Wonderland ay idinisenyo ng British Architect na si Martin Jochman na siya rin namang nagdisenyo ng Dubai’s Burj Al Arab. Inamin din niya na ang proyektong ito ay isang hamon ngunit talaga namang kakaiba.


Ang presyo ng mga suite dito ay 3,400-3,800 Yuan o $489-$546.






error: Content is protected !!