Kilalanin ang fiancee ni Jake Zyrus



Naging maugong ang balita tungkol sa pagpapalit ng kasarian ni Jake Zyrus o mas kilala dati bilang si Charice Pempengco. Isang sikat na mang-aawit at performer na kilala maging sa ibang bansa. Bagamat marami ang nagulat, nalungkot, namangha, at nanghinayang sa kaniyang naging desisyon, marami pa rin naman ang sumuporta sa kaniyang nais tahakin na landas. Nagkaroon man ng maraming pagbabago sa kaniyang pagkatao lalo na sa pisikal na anyo ay hindi pa rin maikakaila ang kahusayan at kagalingan niya sa pag-awit.


Noong Nobyembre ng nakaraang taon ay muli na naman niyang ginulat ang marami lalo na ang mundo ng social media ng ipahayag ni Jake Zyrus ang plano nilang pagpapakasal ng kaniyang kasintahan na si Shyre Aquino.




Siya ay isang registered nutritionist-dietician na tungkol sa pagkakaroon ng disiplina sa pagkain. Siya ay lumaki sa Davao City at nakapagtrabaho na sa “The Natural Nutrionist”. Ang isa sa mga kinahihiligan ng magkasintahan ay ang pagmamahal nila sa mga alagang aso. Ilan lamang sa alaga nila ay sina Eggsy na isang Pug at isang Shi Tzu na si Chacoy. Kilala rin bilang isang fitness instructor si Shyre na naging dahilan din upang maging malapit sila ni Jake dahil isa si Jake sa mga tinuturuan niya.


Hindi na lingid sa ating kaalaman na maraming pinagdaanan na pagsubok si Jake at sa mga pangyayaring iyon sa kaniyang buhay ay naging karamay niya si Shyre. Ito din ang tumulong sa kaniyang huwag sukuan ang buhay at patuloy na maniwala sa kaniyang talento at sariling kakayahan.



Ayon din naman kay Jake, si Shyre na ang “the one” dahil sa kaniya lamang niya naramdaman at naranasan ang pagmamahal at pag-aalagang hindi niya nakita at naramdaman sa iba niyang mga nakarelasyon. Bagamat maraming mga iba’t-ibang komento patungkol sa kanilang naging desisyon ay marami pa rin naman ang natuwa para sa kanilang dalawa.