Bumili ang babae na ito ng isang balut at nang mapisa na ito ay inalagaan niyang mabuti at naging matalik niyang kaibigan!



Ang pagpili ng isang “ideal pet” o alagang hayop ay hindi madaling desisyon. Dapat mong pakatandaan na araw-araw mo itong aalagaan, ibibigay ang kaniyang pangangailangan, ang ugali nito ay maaaring maging pasaway o may pagkarebelde kumbaga. Higit sa lahat dapat na matuto kang mahalin ang iyong alaga.




Isang Malaysian na babae ang nakapagdesisyon na sumugal at napagpasyahang sorpresahin ang kaniyang pamilya at mga kaibigan sa kaniyang desisyon. Dalawang taon na ang nakakalipas ng ang 39-taong gulang na si Erica Lim, isang creative professional sa Kuala Lumpur, Malaysia ang nagkaroon ng isang pet na sisiw ng pato o duckling.



Nagsimula ang lahat ng bumili siya ng balut sa isang Vietnamese na restawran sa Puchong na nagtitinda ng pre-cook na balut. Ang balut ay kilalang kilala sa ating bansa dahil sa kakaiba at panalong lasa nito. Ang balut ay isang nilagang itlog ng itik na pinaniniwalaang pampalakas ng katawan at pampasigla lalo na sa mga kalalakihan. Bumili ng isang balut si Erica at napagdesisyunan niyang alagaan ito hanggang sa tuluyan nang mapisa.



Dahil sa pagiging mausisa nito, nakagawa siya ng isang incubator mula sa isang styrofoam box at ilang mga heat lamps at inilagay ang itlog sa loob nito. Laking gulat na lamang niya ng matapos ang dalawang linggo ay napisa na ang itlog at nakita niya ang isang cute na sisiw at siya nga ay isang ganap nang ina.




Labis na nagalak at natuwa si Erica sa munting sisiw na ito. Noong una ay pinangalanan niya itong Daisy ngunit mas nagustuhan na niyang tawagin itong Bibit. Hilig ni Bibit ang tubig kung kaya naman hindi na katakataka ang pagpuslit niya sa banyo upang magtampisaw sa tubig. At kung siya naman ay tahimik, tiyak na mayroon na siyang sinisira sa loob ng banyo. Hilig din ni Bibit na tabihan ang kaniyang amo na nagbabasa ng libro o kaya naman ay nanunuod ng telebisyon matapos ng buong araw na trabaho.


Talaga namang nakakatuwa ang pagkakaibigan ni Erica at ni Bibit. Bagamat hindi ito partikular na makikita sa ating mga pamayanan, talaga namang nakakamangha ang pagiging magkaibigan nilang dalawa.

Source:BoredPanda