Pinakamatanda at kahuli-hulihang “Mambabatok” Apo Whang-Od nagdiwang ng kaniyang ika-102 na kaarawan!



Isa sa pinaka-espesyal na araw nating mga Pilipino ay ang ating kaarawan na talaga namang binibigyang oras, halaga at atensyon ng marami sa atin. Sabi nga nila, minsan sa isang taon lang naman ang pagdiriwang ng kaarawan.


Kung kaya naman talagang hinangaan at kinagulat ng marami ang pagsapit ng ika-102 na kaarawan ng pinakamatanda at pinakahuling “mambabatok” sa Pilipinas. Sino ba naman ang mag-aakala na higit na pala sa 100 ang edad ng ating kababayan na tinagurian bilang “Last and Oldest Practitioner of Kalinga Tattooing”. Nito lamang ika-17 ng Pebrero ay ipinagdiwang ni Whang–Od Oggay o mas kilala rin naman sa pangalang Maria Oggay ang kaniyang ika-102 na kaarawan. Siya ay mula sa Buscalan, Tinglayan, Kalinga. Kabilang siya sa isang uri ng pangkat–etniko sa naturang lalawigan na kilala bilang “Butbut”.




Nakilala si Apo Whang-Od sa kaniyang husay at galing sa pambabatok kung saan ginagamit niyang pang-tattoo ang pinaghalong uling at tubig na itinatatak at pinupukpok sa balat gamit ang tinik ng puno ng kalamansi o pomelo. Ilan lamang sa kaniyang mga sikat na parokyano ay sina Rhian Ramos, Drew Arellano, Liza Diño at Aiza Seguerra. Hindi na rin mabilang ang mga dayuhan na nagpapalagay sa kaniya ng mga tattoo na mula pa sa malalayong bansa.


Noong Hunyo 25, 2018 ay iginawad kay Apo Whang-Od ng National Commission for Culture and the Arts ang prestihiyosong parangal na “Dangal ng Haraya”. Nagkaroon na rin ng mga panukala upang gawin siya na Pambansang Alagad ng Sining at nang siya ay mapabilang sa National Living Treasures o Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA) dahil sa kaniyang hindi matatawarang husay at galing sa kanilang sining. Dahil sa 102 taon na ang kaniyang edad, siya ay itinuturing na din na isang centenarian na ayon sa batas na “Centenarians Act of 2016 o Republic Act 10868” ay makakatanggap siya ng monetary allowance.




error: Content is protected !!