“Nay, ‘Yan ay pangako” isang tula na gawa ng isang babaeng alay sa kanyang ina na OFW



Isa sa mga hirap na dinadanas ng mga nagta-trabaho bilang OFW ay ang labis na pangungulila sa mga mahal nila sa buhay. Sa kagustuhang mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya, pinili ang kumita ng malaki malayo sa kanilang piling. Mahirap man pero ito ang realidad ng buhay.


Isang tula ang pumukaw sa puso ng maraming tao na naging viral ngayon. Ito ay ang tula ni Iva Claire Milan Jamelarin na isang high school na estudyante na may pamagat na Nay, ‘Yan ay Pangako.




Inatasan sila ng kanilang guro sa Ilo-ilo upang gumawa ng tula at bigkasin ito sa klase. Dahil sa kagandahan ng tula ni Iva, ito ay nag-viral sa social media at nagpa-iyak ng maraming manunuod na marahil ay nakaka-relate sa mensahe ng tula.


Ang tula ay alay ni Iva sa kanyang ina na si Eva Jamelarin na isang OFW sa Hongkong. Tatlong taon pa lamang si Iva ng iniwan sila ng kanilang ina upang makipag-sapalaran sa ibang bansa.



Ito ang tula ni Iva para sa kanyang OFW na ina:
Nay, ‘Yan ay Pangako
Tulang ni: Iva Claire M. Jamelarin

“Para ito sa inyong kinabukasan.
Titiisin kahit mabigat man sa pakiramdam
Tutulak palayo para makaahon sa kahirapan
Wala man ako sa inyong paglaki,
Sa aking puso, kayo ay mananatili



Masakit man sa akin ang malayo ay kakayanin ko
Sa kadahilanang ayaw kong maranasan niyo ang mga naranasan ko
Mahal na mahal ko kayo. Para sa inyo ‘to
‘Yan palagi ang tumatakbo sa isip ng OFW


Magtatatlo ako nang umalis ang nanay ko
Apat kami, at ako ang bunso
Sa mura kong edad ay kinaya ko
Dahil ang pangako ni nanay, “Babalik ako.”




Pinanghawakan ko
At panghahawakan ko
Dahil naiintindihan ko

Magtatatlo ako nang umalis ang nanay ko
Pinatulog lang kami at saka tumungo
Ang daming tanong na sa aking isipan ay tumatakbo

Tulad ng, “Kung ‘di kaya ako natulog, mananatili ka ba?”
“Kung nakita mo kayang mulat ang aking mga mata at lumuluha, tutuloy ka pa ba?”

“Kung nalaman ko bang mag-aabroad ka at makikiusap akong’ wag ka nang umalis, papayag ka ba?”



Pero kahit ‘di ako natulog
Kahit mulat ang aking mga mata at lumuluha
Kahit makiusap akong wag ka nang umalis
Ay wala na ‘kong magagawa dahil buo na ang ‘yong pasya

Nakita mo man ang unang tawa ko
Nakita mo man ang unang iyak ko
Narinig mo man ang unang salita ko
Nasaksihan mo man ang unang lakad ko
Ang unang pagkadapa at pagbangon ko
Ang unang beses na kumain ako

Pero wala ka sa unang araw ng pagpasok ko sa eskwela
Wala ka sa unang pagpupulong kasama si maestra
Wala ka nang unang sinabitan ako ng medalya
Wala ka sa pagtatapos ko sa elementarya
Hindi ako nanunumbat
Pero ‘Nay, kailangan kita.
Pero pipilitin kong intindihin
Dahil para sa’min kaya nandiyan ka

Ang hirap lumaki na wala ka sa tabi ko
Walang nanay na mag-aalaga sa’kin tuwing nagkakasakit ako
Walang magtuturo sa’kin tuwing hirap na ako sa assignments ko
Walang yayakap sa’kin tuwing may napagtatagumpayan ako

Pero ramdam kita dahil nandito ka, at mananatili ka sa Puso ko
Gusto ko ang mga pag-ugoy mo
Gusto ko ang pagsuklay mo ng buhok ko
Pagpili ng idadamit ko
Pagluluto ng ulam ko
Yakap at halik mo
Miss na miss na kita
Gusto ko na ulit makulong sa bisig mo

Ilang taon na ba kitang hindi nakakasama? Dalawang taon? Higit pa?
Kaya tuwing umuuwi ka ay sinasalubong kita ng mainit na yakap
Dahil gusto kong sulitin ang mga panahong muli kang makasama
Kapalit ng panibagong dalawang taon mo sa ibang bansa

Gusto kong magtampo
Ilang okasyon na ba ang wala ka sa tabi ko
Kaarawan, graduation, bagong taon, pasko
Oo, nakukuha ko ang lahat ng gusto ko
Pero hindi materyal na bagay ang nais ko
Kundi ikaw, sa bawat okasyon at yakap ako

Kaya pipilitin kong palitan
Ang bawat butil ng pawis mo
Sasabayan ko ang sakripisyo mo

Sa darating na anim pang taon
Hindi na mabigat na maleta ang bitbit ng mga kamay mo
Hindi na passport at ticket papunta sa kung saang lupalop ng mundo
Dahil sasabayan kita sa hakbang mo


Hahawakan ko ang kamay mo habang paakyat tayo sa entablado’t makukuha mo na ang patunay ng mga sakripisyo mo

Nay Yan ay Pangako?Spoken Poetry for OFW

Posted by Iva Claire Milan Jamelarin on Sunday, January 20, 2019




error: Content is protected !!