Nagbigay ng simpatya ang babaeng ito sa isang “rider” na magdedeliver sana ng isang item mula sa online shop!



Nakasanayan na nga ng marami sa atin ang araw-araw na pagchecheck ng ating mga social media account. Tunay ngang marami nang pagbabagong naidulot ang internet. Hindi lamang ito nagagamit para sa pagpapalaganap ng impormasyon, o kaya naman ay libangan at maging komunikasyon. Ito rin ang gamit ng marami sa atin sa pamimili lalo na yung mga taong masyado nang abala para pumunta pa ng pamilihan, supermarket o palengke.



Ang online shopping ay hindi lamang patok sa mga abalang empleyado ngunit pati na rin sa mga ilaw ng tahanan at mga abalang nanay. Komportable at kombinyente nga naman talaga kung tutuusin. Hindi mo na kailangan pang magbihis ng maayos o kaya naman ay gumayak para lamang makapunta at makabili ng ilang pangangailangan sa bahay. Tipid na rin sa pamasahe o kaya naman ay gasolina kung tutuusin. Ngunit mayroon pa lang mga bagay na hindi natin kadalasang napapansin patungkol sa ganitong komportable at kombinyenteng paraan ng pamimili.

Kamakailan lamang ay nagbahagi ng saloobin ang netizen na si Bea Aspiras patungkol dito. Ayon sa kaniyang post ay mayroon siyang napansing lalaki na matiyagang naghihintay na lumabas ang may-ari ng bahay upang maideliver o maihatid niya ang order nito. Napagtanto ni Bea na isa siya “rider” o “delivery man” ng isang online shop dahil sa itsura ng motor nito. Halos may isang oras nang naghihintay ang nasabing lalaki sa labas ng gate ng bahay ngunit tila wala pa ring lumalabas doon. Nang sa wakas ay mayroon na ngang lumabas na babae ay nakangiti pa ring bumati ang lalaki sa kabila ng matagal nitong paghihintay sa labas.


Dagdag pa ni Bea, sana naman ay mas maging sensitibo tayo at mapagmalasakit sa mga tao sa ating paligid. Lalo na kung nagtatrabaho sila ng maayos para sa kanilang sarili at mga pamilya. Maunawaan din sana natin na hindi madali ang hinaharap nilang kalbaryo sa gitna ng kalsada para lamang maihatid ang ating mga pinamili. Hindi rin tama na sila ay murahin o kaya naman ay pagsalitaan ng hindi magaganda. Kaunting respeto, pag-unawa at pasasalamat lamang ay sapat na para kahit papaano ay mapawi ang pagod na kanilang nadarama sa kanilang buong araw na pagbabanat ng buto.





error: Content is protected !!