Kamangha-manghang kwento ng isang kasambahay na nagtapos bilang isang Cum Laude!



Kung ang kolehiyo ay isang masayang karanasan sa maraming mga mag-aaral, ito ay isa rin namang hamon sa mas maraming indibidwal na walang kakayanang pag-aralin ang kanilang sari ngunit nagsumikap at nagpursige upang matupad ang kanilang pangarap. Kung ang ilan ay nakakapag-aral ng wala nang iniintindi pang mga bayarin, problema at alalahanin, mayroon din namang mga estudyanteng pinagsasabay ang trabaho at pag-aaral. Hindi nila alintana ang anumang pagod, puyat o hirap basta makamit lamang ang kanilang pinapangarap na diploma.


Kung kaya naman labis na hinangaan ang kwento ng kasambahay na ito sa social media na nakapagtapos bilang isang cum laude na nagsumikap sa kaniyang pag-aaral habang nagtatrabaho. Siya ay nakilala bilang si Lucille Guiquin na nagtapos bilang cum laude sa STI College sa kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management. Taong 2006 nang siya ay nakapagtapos ng hayskul. Kung kaya naman mula sa Negros Occidental ay nakipagsapalaran siya sa Maynila kasama ang kaniyang Tiyahin at nagtrabaho sila sa pamilya ni Roland Benzon. Naatasan siyang alagaan ang anak nitong si Josh. Pagbabahagi naman ni Roland, napakaresponsable at pokus ni Lucille sa kaniyang trabaho at kahit minsan ay hindi niya ito nakitang gumagamit ng cellphone habang inaalagaan ang kaniyang anak. Nakakitaan na talaga nila ng potensyal at dedikasyon sa pag-aaral ang kanilang kasambahay ng iginawa niya ng reviewer at sample exam si Josh sa kaniyang sariling pagsisikap at pagbabasa ng mga aklat nito.



Dahil sa pagsusumikap niyang ito ay napagdesisyunan ng pamilya ni Roland na tulungang makapagtapos ng pag-aaral si Lucille nang si Josh ay tumuntong na sa sampung taon. Natupad nga ang kanilang pangako kay Lucille at nagsimula na itong pumasok sa kolehiyo. Bagamat sa simula ay nahirapan siyang balansehin ang kaniyang trabaho at pag-aaral ay nakasanayan din naman niya ito. Nakaya nga niyang pagsabayin ang trabaho at pag-aaral niya. Ngunit ang kaniyang prayoridad ay ang kaniyang alagang si Josh.


Upang mabawasan ang kaniyang matrikula, sinikap ni Lucille na mapasama sa Dean’s list at siya nga ay nakakuha ng 25% na diskwento sa kaniyang matrikula. May mga panahon mang nagkakasabay ang pagsusulit nila ng kaniyang alaga ay nagagawa niya pa ring i-review muna si Josh at pagkatapos nito ay siya naman. Talaga namang kahanga-hanga si Lucille at isang napakagandang inspirasyon para sa maraming mga Pilipino, bata man o matanda. Kung ikaw ay may pangarap at pagsusumikapan mong abutin ito, tiyak na hindi ka mabibigong makamtan ito.





error: Content is protected !!