Karga karga ng propesor na ito ang sanggol ng kaniyang estudyante upang makapagsulat ng maayos ang ama nito!



Isang Math teacher sa Morehouse College sa Atlanta, Georgia, USA ang pinuri ng maraming mga netizen dahil sa simple ngunit nakakamanghang pagmamalasakit nito sa kaniyang estudyante. Napansin ng guro na ito na hirap ang isa niyang estudyante na magsulat dahil sa kalong kalong nito ang kaniyang sanggol.


Ayon sa ilang ulat ng American media, dumating sa kaniyang klase si Wayne Hayer kasama ang kaniyang limang buwang gulang na anak matapos niyang magpaalam sa kaniyang guro na si Nathan Alexander kung maaari pa rin siyang pumasok sa kanilang Algebra class kasama ng anak dahil sa wala pa siyang nakukuhang mag-aalaga o baby sitter nito.




Ang asawa ni Wayne na kadalasang nasa bahay lamang nila ay kinailangang kuhanin ang birth certificate ni Assata at hindi naman nais ni Wayne na kasama pa niya si Assata sa pagko-commute dahil sa mahihirapan ang ina at ang sanggol. Dahil sa nalaman ng mabait na guro ang sitwasyon ng pamilya ni Wayne ay hindi na ito nagdalawang isip pang payagan ang ama na dalhin ang kaniyang anak.


At upang mas matulungan pa ang kaniyang estudyanteng si Wayne ay kinuha niya dito ang sanggol upang makapagsulat siya ng maayos. Ito nga ay nakuhanan ng larawan at ibinahagi sa social media na talaga namang umani ng samu’t-saring mga papuri.


Maging ang presidente ng kanilang paaralan na si David Thomas ay natuwa din sa pagmamalasakit ng guro. Tunay ngang hindi lahat ng tao ay maiintindihan ang iyong kinakaharap na problema at ilan lamang sa kanila ang magkukusang tulungan ka at gabayan ka sa abot ng kanilang makakaya. Kaya’t talaga namang kamangha-mangha ang guro na ito na sana ay tularan pa ng maraming mga guro sa iba’t-ibang panig ng mundo.





error: Content is protected !!