Ogie Diaz, hindi na baleng walang honor o award ang anak basta sila ay mabubuting tao!



Panahon na naman ng bakasyon kung kaya naman panahon na rin ng maraming mga graduation sa iba’t-ibang panig ng bansa. Maraming mga magulang ang nagagalak lalo na kung ang kanilang mga anak ay nagtatamo ng karangalan sa kanilang pagtatapos. Ngunit gaano nga ba ito kahalaga?



Kung walang award o honor ang iyong anak, ito ba ay makakabawas sa galak at sayang maaaring maramdaman ng mga magulang at ng kanilang pamilya? Marahil ay iba-iba ang ating magiging mga kasagutan ngunit ang kilalang personalidad na si Ogie Diaz ay iisa lamang ang kasagutan para dito.


Si Ogie Diaz ay kilala bilang isang komedyante, showbiz reporter, isang manunulat at awtor ng libro, at isang magaling na talent manager ng ilang sikat na artista gaya na lamang ni Liza Soberano.


Ibinahagi niya sa kaniyang social media post ang patungkol sa pagtatapos ng kaniyang anak na si Erin, ito ang kaniyang pahayag:
“Umiyak pa ang anak ko bago ang Moving Up Day, dahil wala daw siyang nakuha kahit na ano. Sabi ko, Okay lang ‘yan, ‘Nak. Basta hindi ka kulelat at alam mong ginawa mo naman ang best mo.”



Pinaalala naman ng ama sa kaniyang anak na hindi na baleng walang karangalan basta’t hindi sila bumagsak at mabuti silang tao, yun lamang ay masaya na silang mag-asawa.
“Lagi kong sinasabi sa mga anak ko, ‘di baleng walang awards or honors, basta hindi babagsak, at hindi sakit ng ulo ng lipunan, mabuti kang tao, happy na kami ng mama nila.”

Pagdaragdag pa ni Ogie:
“Ang tunay na laban ng buhay ay nasa labas ng eskwela. Importante ang abilidad at diskarte na wala sa curriculum, kun’di nasa ‘yo, nasa impluwensiya ng mga tamang tao sa paligid mo.”

Nang siya ay tinanong patungkol sa kung ayos lang ba sa kaniya na walang karangalang nakuha ang kaniyang anak, ito ang kaniyang naging tugon:
“Okay lang naman po. Basta naka-graduate. Ako din po, walang nakuhang honors no’ng nag-aaral ako, mami. At high school lang po ang natapos ko.”