Dating kasambahay naging inspirasyon sa marami dahil sa pagiging Magna Cum Laude nito!



Isang dating kasambahay at nagtrabaho din bilang isang mananahi ang naging inspirasyon ngayon sa napakaraming Pilipino dahil sa kaniyang pagtatapos at pagkakamit ng karangalan bilang isang Magna Cum Laude. Hindi naging madali para sa 30-taong gulang na si Grace Labrador Bacus ang kaniyang pag-aaral lalo pa at siya ay mula sa isang mahirap na pamilya.


Dahil siya ay ikatlo sa siyam na magkakapatid, nakaranas si Grace ng maraming mga paghihirap at balakid na ayaw niyang maranasan din ng kaniyang mga nakababatang kapatid. Kahit pa siya ay mayroong pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at makatulong da kaniyang pamilya, ito ay imposible pa rin dahil sa hirap ng buhay ng kaniyang pamilya. At batid din niyang hindi kakayanin ng kaniyang mga magulang na mapag-aral silang siyam na magkakapatid.



Kung kaya naman sa murang edad pa lamang ay nagtrabaho na siya bilang isang yaya at kasambahay upang mapag-aral ang sarili at matulungan ang kaniyang pamilya. Ngunit dahil na rin sa marami silang magkakapatid ay kinakailangan niyang lumiban sa paaralan upang maalagaan at kahit papaano ay mayroong tumingin sa kaniyang mga nakababatang kapatid. At sa halip nga na tulungan at suportahan siya ng kaniyang guro ay nilugmok pa siya nito sa kahihiyan. Mas mainam pa daw na siya ay huwag nang mag-aral pa, dahil hindi mo din naman kakailanganin ang degree sa pag-aalaga ng mga bata.



Mayroon din namang ilang tao ang nagsasabi sa kanilang pamilyang huwag nang pag-aralin pa silang magkakapatid dahil wala naman diumanong yumayaman nang dahil sa pagpasok sa eskwela. At matapos nga niyang mag-hayskul ay namasukan siya bilang isang mananahi sa loob ng sampung taon sa isang export company. Nito lamang noong 26-anyos na siya nang naisipan niyan bumalik sa pag-aaral at kumuha ng 72 unit para siya ay makapagtrabaho na sa ibang bansa.


At dahil nga siya ay palagian nang nagiging numero uno na Dean’s Lister ay pinilit siya ng kaniyang mga magulang at mga propesor na ipagpatuloy nga ang kaniyang pag-aaral upang magkaroon na siya ng degree at huwag nang isipin pa ang hinahabol niyang 72 units upang makapagtrabaho sa ibang bansa. At sa edad nga niyang 30-anyos ay nakapagtapos siya bilang isang Magna Cum Laude sa Talisay City College at kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in English.