Mamamangha ka sa isang supermarket sa Thailand na mayroong isang simple at epektibong paraan nang pag-iwas ng paggamit sa plastik!



Tila kakambal na yata ng maunlad na ekonomiya ng isang bansa ang problema sa mga kalat, basura at polusyon. Talaga namang nakakabahala na ang mga nagiging epekto ng walang habas na pagtatapon natin ng mga basura sa kung saan-saan. Buti na lamang at mayroon nang ilang mga hakbang ang ating pamahalaan sa pagbawas ng mga plastic sa ating kapaligiran.


Ayon na rin sa isang pag-aaral, sa 9 na bilyong toneladang plastik na nagagawa ay tanging siyam na porsiyento lamang dito ang na-irerecycle o maaari pang marecycle samantalang ang 91 percent nito ay naiiwang nakatambak sa mga basurahan habang ang iba naman ay palutang-lutang sa ating mga karagatan na nagiging dahilan din ng pagkamatay ng ating mga yamang-dagat dahil sa pagkain nila ng mga plastik na ito.



Naglabas din ng ulat ang United Nations Environment Programme na maaaring sa darating na 2050 ay aabot na sa 12 bilyong tonelada ang mga hindi na marerecycle na mga plastik na pinakamarami ang mga plastik na ginagamit sa restawran, palengke at supermarket.



Samantala isang supermarket naman sa Thailand ang napakaraming papuri sa social media dahil sa simple ngunit napakaepektibo nitong kaparaanan upang makaiwas sa pagtangkilik ng mga plastik. Ayon sa ibinahaging post ng Perfect Homes Chiangmais sa kanilang social media page, ang supermarket na ito sa Thailand ay gumagamit ng mga dahon ng saging imbes na mga plastik na pangbalot ng mga gulay at prutas.


Mas nagmumukha ding sariwa at kaaya-aya ang hitsura ng mga gulay at prutas na nakabalot sa dahon ng saging. Mas madali din itong nabubulok kung kaya pwede ring gamiting pataba.


Tiyak na maraming iba pang lugar, establisyemento at mga bansa ang maiingganyang gumamit ng dahon ng saging tulad ng sa Rimping Supermarket sa Thailand. Mas magkakaroon na tayo ng iba pang ideya sa pagsugpo ng polusyon di lamang sa ating bansa kundi maging sa maraming bansa pa sa buong mundo.




error: Content is protected !!