Imbes na gadget ang hilingin ng estudyanteng ito para sa kaniyang pagtatapos, isang kambing ang kaniyang ninais na graduation gift!



Sadyang napakahalaga ng edukasyon para sa ating mga Pilipino. Hindi maipagkakailang sa kabila ng ano mang paghihirap, pagsubok o problema sa buhay ay nagkakaroon pa rin tayo ng pagsusumikap at pagtitiyaga sa buhay na mapagtagumpayan at makamit ang ating mga pangarap.



Panahon na naman ng pagtatapos, marami na naman tayong makikita at maririnig na iba’t-ibang kwento, larawan at pagpupunyagi ng mga magulang at mga anak na magsisipagatapos sa social media, sa telebisyon at radyo. Kung ang iba ay naghahangad ng magarbo at mamahaling gamit o gadget, ibahin niyo ang estudyanteng ito, dahil ang nais niyang regalo para sa kaniyang pagtatapos ay isang kambing!

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang nakababatang kapatid ni Alvin Gaoiran Robiniol na si Alwytz Robiniol Gaoiran nang humiling ito ng isang kambing bilang graduation gift higit pa sa kahit anong mamahaling gadget o materyal na bagay. Ayon sa ilang ulat, magsasaka sa Bacarra, Ilocos Norte ang ama ni Alwytz ngunit sa kabila nito ay wala siyang kakayahang makabili ng mga hayop na kanilang aalagaan. Sadyang mahilig sa hayop si Alwytz kung kaya hindi na kataka-takang kambing ang tanging hiling niya para sa kaniyang pagtatapos. Bagamat isang domestic helper ang kanilang ina na sj Brigida sa Kuwait, hindi pa rin sapat ang kaniyang kinikita para sa kaniyang pitong mga anak.


Noon pa man ay nais na ni Alwytz na magkaroon ng sariling kambing, ngunit dahil nga sa kasalatan sa buhay ay nakuntento na lamang siya sa mga alaga nila sa bahay. Hiniling niya na rin ito sa kaniyang ina bilang pamasko noong nagdaang Pasko ngunit hindi talaga kinakaya ng kanilang pera sa dami ng kanilang gastusin sa araw-araw. At sa araw nga ng kaniyang pagtatapos ay nakuha na niya ang kaniyang minimithi sa pamamagitan ng kaniyang kuya. Talaga nga namang walang mapagsidlan ang kaniyang kasiyahan at galak dahil sa bago niyang aalagaang kambing.


Nawa ay mas maging masunurin siyang anak, kapatid at mag-aaral dahil sa gantimpala na kaniyang nakamit nang dahil na rin sa kaniyang pagtitiyaga at pagsusumikap sa pag-aaral.

Tunay ngang hindi kinakailangan ng mahal o di kaya naman ay magarbong mga bagay upang maipagdiwang ang iyong tagumpay sa buhay. Sa simpleng bagay lamang ay maaari din namang makuntento at maging maligaya ang isang tao.






error: Content is protected !!