Alamin ang ilan sa mga resortd na pagmamay-ari ng mga kilala nating sikat na personalidad at artista!



Talaga nga namang tag-init na at lahat tayo ay nasasabik nang magtampisaw sa tubig, maglangoy at magbabad. Mayroon na ba kayong napupusuang destinasyon para rito? Kung wala pa, maaaring makatulong sa iyo ang artikulong ito:

Nayomi Sanctuary Resort (Balete, Batangas)




Ang resort na ito ay pagmamay-ari ng pamilya nina John Prats at Camille Prats. Noong una ay rest house lamang ito ng pamilya ngunit kalaunan ay binuksan na rin para sa publiko. Ngayon ay mayroon na itong mga villa, tent para sa glamping at mga pool. Perpekto ito para sa mabilisang bakasyon ng pamilya o kaya naman ay magsing-irog. Tiyak na masisiyahan ang lahat sa mapayapa at nakaka-relax na kapaligiran dito. Ang buong resort ay napaliligiran ng mga puno at mayroon ding magandang view ng Taal Lake.

L’Sirene Boutique Resort (Baler, Aurora)



Ang boutique resort naman na ito ay pagmamay-ari ng artistang si Sam Pinto. Mga sirena naman ang inspirasyon niya sa resort niyang ito. Ayon din sa model-actress na si Sam, madalas siyang tawaging sirena ng kaniyang pamilya dahil sa hilig niyang lumangoy kahit noon pang bata siya. Ang kaniyang resort ay mayroong mga gazebo at mga “swing bed” na nakaharap sa pool na malapit sa beach. Tiyak na matuto din ang pamilyang mag-surf dito dahil nagtuturo din sila ng surfing lessons at nagpaparenta ng mga equipment.

Pearl Farm Beach Resort (Samal Island, Davao del Norte)



Ang five-star resort na ito sa Mindanao ay pagmamay-ari ng asawa ng aktres na si Dawn Zulueta, si Rep. Antonio Ernest Lagdameo, Jr. Dating “pearl farm” ang nasabing lugar. Naging beach resort ito dahil sa maganda at nakakarelax nitong tanawin. May mga bahay din dito, airconditioned na kwarto, pool, spa, restaurant, basketball at volleyball court.

The Tides Hotel (Boracay)




Si Iza Calzado naman ang co-owner ng resort na ito. Nag-impok siya ng pera para dito noong siya ay 25 taong gulang pa lamang. Ang “The Tides Hotel” ay matatagpuan sa Station 2 ng Boracay. Mayroon itong 60 na guest room, on-site restaurant, rooftop bar, swimming pool, spa at gym. Naparangalan din ito bilang 2009 Consumers Choice Award for the Most Outstanding Luxury Destination Hotel. Gayundin ang 2011 Best Beach Resort Hotel mula sa Top Brands Awards. Napabilang din ito sa “44 Places to Go” noong 2009 mula sa New York Times.