Ito ang pag-protekta ng mga nars sa kanilang mga alagang sanggol sa lindol na may lakas na 6.1 magnitude



Hindi biro ang trabaho ng mga nars. Kinakailangan ng pagiging alerto at matinding pasensya sa propesyon na ito. Ang mga nars ang nagiging katuwang ng mga doktor sa paggagamot. Sila din ang nagpapatuloy ng gamutan at sumusubaybay sa mga kinakailangan ng mga pasyente. Paiba-iba din ang oras ng kanilang trabaho dahil ang iba ay napupunta sa oras ng pang-gabi.

May isang pangyayari ang naganap ng makuhanan ng video ang mga nars na prinotektahan ang mga alaga nilang sanggol sa lindol na may lakas na 6.1 magnitude sa Taiwan. Ang footage na ito ay nag-viral ng kumalat ito sa social media. Maraming netizens ang nabilib sa ginawa ng mga nars sa kanilang mga gampanin. Karaniwan kasi sa atin, kapag lumindol ay natatakot at minsan pa nga ay ang nasa isip ay iligtas ang sarili. Pero sa videong nakuhanan, hindi nila inisip ang kanilang sarili at mas piniling siguraduhin ang kaligtasan ng mga alagang sanggol.

Naganap ang lindol na ito sa Hualien Taiwan noong ika-18 ng Abril. Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng pansamantalang pagsara ng mga subway services. Isa din ito sa pinaka-malakas na lindol na naganap sa lugar na iyon na nagdulot ng evacuation ng mga tao na nasa matatataas na mga gusali.

Tunay na malakas ang lindol. Mapapansin sa kuha ng CCTV na gumigewang at kusang gumagalaw ang mga higaan ng mga sanggol. Pero hindi nag-takbuhan ang mga nars at minabuti nilang protektahan ang mga sanggol sa paghawak ng mga higaan at pagtahan sa mga umiiyak. Ang mga nars ay ginamit ang buong katawan upang hindi gumalaw ang mga higaan ng mga sanggol. Tinatapik at hinahaplos naman ng isang nars ang isang sanggol upang tumahan sa pag-iyak. Hinarang din ng mga nars ang kanilang mga katawan kung sakaling may bumagsak sa kisame o ang kisame mismo ang bumagsak.

Nagsilbing mga Anghel ang tatlong nars sa mga sanggol na kanilang inaalagaan. Hindi nila piniling tumakbo at sumilong sa maaring bumagsak. Bagkus, inialay nila ang kanilang buhay para lamang maprotektahan ang mga inaalagaan. Buti na lang ay walang napahamak sa mga nars at mga sanggol sa nangyaring lindol.

Kahit na hindi pinangalanan ang mga nars sa video, maraming namangha at nabilib sa kabayanihang ipinakita nila. Sila ang halimbawa ng mga nars na handang ibigay ang lahat para sa kanilang inaalagaan.


Similar Articles

Comments

LATEST POST