Dahon ng niyog ang gamit na straw ng isang cafe na ito sa Siargao!

Talaga namang kamangha-mangha ang mga hakbang ng gobyerno at ilang mga lokal na establisyemento upang unti-unting mapabuti ang ating kapaligiran at kahit papaano ay mabawasan ang problema sa plastik ng ating bansa.

Isang cafe sa Siargao, Cafe Editha ang nagsimula nang gumamit ng “lukay straw” o ang mga straw na gawa sa dahon ng niyog. Ito ay malaking kontribusyon para sa laganap na polusyon ng mga plastik sa buong mundo. Mula Abril 26 ay hinangaan na sa social media ang inisyatibo ng cafe na ito. Ayon naman sa manager ng nasabing cafe, naging inspirasyon nila ang pagbisita nila noon sa Corregidor.

“I got this idea when we visited Corregidor and I’m very impressed. Lukay straw is easy to make and decomposable. I hope other restaurants will also be inspired to use this brilliant idea,” ito ang ibinahagi ng Cafe Editha sa kanilang Facebook page.

“Full credit goes to the people of Barangay Corregidor for this brilliant idea,” dagdag pa ng nasabing cafe. Ayon pa sa isang report, naibahagi din ni Sarah Tiu, manager ng Cafe Editha, na nadiskubre niya ang nasabing lukay straw ng minsan ay bumili siya ng buko sa Corregidor na mayroon nang kasamang Lukay straw.

Agad naman niya itong pinagtanong sa mga residente at tinuruan siya ng mga ito na gumawa ng lukay straw. Agad naman niya itong sinubukan sa kanilang cafe na kinagiliwan ng marami nilang customer at hinangaan ng maraming mga netizen.

Tunay ngang hindi matatawaran ang mga mumunting hakbang ng maraming mga nagmamalasakit na tao sa ating kapaligiran. Kung pagsasama-samahin ang mga malilit na hakbang na ito ng bawat isa ay tiyak na mas magiging magaan ang ating laban patungkol sa laganap na polusyon sa ating bansa at maging sa ibang panig pa ng mundo.

Sana ito ay maging inspirasyon pa sa mas maraming mga tao na mas pahalagahan ang ating kapaligiran dahil wala rin namang ibang magbibigay importansya dito kung hindi tayong mga tao din naman. Hihintayin pa ba natin na mahuli na ang lahat bago tayo kumilos? Hihintayin pa ba natin yung panahon na wala na tayong pwedeng magawa pa para sa ating kapaligiran? Kung hindi tayo magsisimula ngayon, kailan pa?



error: Content is protected !!