Supermarket sa Albay gumagamit ng mga dahon ng saging upang makabawas sa paggamit ng mga single use plastic!



Isang commercial na establisyemento sa Bicol ang nagpatunay na kayang-kaya rin gumawa ng hakbang ng maraming mga kompanya laban sa paglaganap ng polusyon sa plastik. Nakakamangha na naisipan nang supermarket na ito na gamitan ng dahon ng saging ang ilan sa kanilang mga produkto.


Liberty Commercial Center ang nagpakilala ng paggamit ng dahon ng saging at ng abaka sa pangbalot ng kani-kanilang mga produktong pang-agrikultura tulad na lamang ng lettuce, carrots at mga binhi sa pag-asang kahit papano ay makabawas sa pagkonsumo ng plastik sa ating bansa.



Pinatupad ito ng kompanya sa isang branch nito sa Ayala Malls Legazpi upang mabawasan ang paggamit ng mga single use na plastik. Ayon sa LCC marketing head na si Ging Guerra, ang nasabing programa ay parte ng eco-friendly mission ng nasabing kompanya.


Tulad rin ng iba pang mga establisyemento, nauna na silang nagpatupad ng paggamit ng paper bag at mga reusable na eco-bag sa mga check-out counter nila sa halip na plastik bag. Ngayon ay nakabuo na naman sila ng panibagong ideya para matulungan ang kanilang kapaligiran.


Ayon pa kay Guerra, hindi lamang ito eco-friendly dahil ang mga dahon ng saging ay nagpapatagal rin sa mga prutas at gulay dahil na rin sa nagpapanatili ito ng moisture at hinaharangan din ang init.

Dagdag pa niya ay mayaman ang rehiyon ng Bicol sa mga produktong pang-agrikultural kung kaya mithiin din ng kompanya na magamit ang mga ito upang mas makatulong pa sa ating kapaligiran.



Maging ang mga empleyado nga ng LCC ay nag-abot na rin ng pagtulong sa mithiin ng kompanya dahil sa ang ilan sa kanila ay nagdadala rin ng mga dahon ng saging at abaka upang magamit ng supermarket. Tunay ngang kung bawat isa ay tutulong, mas magkakaroon tayo ng pagkakataon na magtagumpay sa ating layunin. Basta’t sama-sama at nagkakaisa ay matitiyak ang ating tagumpay.