Isang 13 taong gulang na Mangyan ginawang modelong sasakyan ang mga pinaglumaang tsinelas na goma!



Narito ang kamangha-manghang istorya ng 13 taong gulang na Mangyan na nakilala bilang si Jupel Batobato na lumilikha at nagbebenta ng mga sasakyang laruan na gawa sa pinaglumaang goma ng tsinelas. Isang non-profit organization na “Indigenous PH” na naglalayong mapreserba at maipalaganap ang kultura ng mga tribo sa Pilipinas ang nagbahagi ng kaniyang istorya sa official Facebook Page nila.


Ayon sa kanilang post, si Jupel ay isang miyembro ng katutubong Mangyan na mula sa mahirap na komunidad sa bulubundukin ng Mindoro kung saan walang kuryente ang mga tahanan. Nag-aaral ang bata sa Casillon Elementary School sa Baco, Oriental Mindoro. Araw-araw ay naglalakad ng dalawampung minuto si Jupel mula sa kanilang tahanan patungo sa kanilang paaralan.



Dahil sa layo ng kaniyang nilalakad ay madalas siyang nasisiraan ng tsinelas at dahil mahirap lamang sila ay hindi ito kayang palitan palagi ng kaniyang pamilya kung kaya naglalakad na lamang siya ng nakayapak patungo sa kanilang eskwela.


Naging pangarap na niya ang makasakay sa isang dyip o tricycle makarating lamang sa kaniyang destinasyon. Ngunit dahil sa wala pa siyang kakayahang magawa ito ay pinagtutuunan na lamang niya ng pansin ang mga goma ng mga sirang tsinelas na kaniyang nadadaanan patungong paaralan. Talaga namang hinangaan ito ng maraming mga netizens at umani ng samu’t-saring mga komento at reaksyon.




Nais ni Jupel na maibenta ang kaniyang mga ginawang laruang sasakyan upang makatulong sa panggastos at pangkain ng kaniyang pamilya at kahit papaano ay makapag-ipon na rin ng pera na maipangtutustos niya sa kaniyang pag-aaral. Marami ang nagsasabing kakaiba at katangi-tangi ang kaniyang pagiging malikhain at talaga namang dapat itong ipagmalaki. Tunay ngang kahanga-hangang malaman na mayroon pa ring mga kabataan ang nabibigyang pansin at nalilinang ang kani-kanilang mga talento at kakayahan.



Nawa ay mabigyang-pansin rin ng mga nakatataas at ng ating gobyerno ang kalagayang ito ng isang kabataang Mangyan na mayroong talento at pangarap sa buhay.




error: Content is protected !!