Silipin ang ipinagmamalaki ng Pampanga na Cafe Restaurant na “sub-zero” ang temperatura!

Alam naman natin na isang “tropical country” ang ating bansa. Kung saan mayroon lamang tayong tag-ulan at tag-araw na panahon. Marahil marami sa atin ang nagnanais rin na maranasan ang kakaibang klima tulad sa ibang bansa na mayroong niyebe. Ang ilan nga sa atin ay nabibigyan ng bihirang pagkakataon na makapunta sa isang bansa na mayroong snow at talaga namang pinaglalaanan nila ito ng malaking halaga dahil sa magastos talaga ang mga ganitong biyahe.

Kaya naman marami sa ating mga kababayan ang nagulat at nasorpresa sa Cafe Restaurant na ito na matatagpuan sa siyudad ng Angeles sa Pampanga. Sa halagang P200 lamang na entrance fee para sa mga matatanda at P120 para sa mga bata na edad 3 hanggang 11 taong gulang ay mayroon nang pagkakataon na maranasan ang napakalamig at napakaginaw na klimang ito.

Ang sub-zero temperature na ito ay umaabot hanggang -15 degree Celsius kung kaya naman tinatawag din itong “Freez-kimo”. Wala namang entrance fee ang mga bata edad dalawang taon gulang pababa. Mayroon itong man-made snow sa loob. Kaya naman mayroon ding isinusuot na makakapal na coats ang mga bisita ng Cafe Restaurant na ito upang maprotektahan ang kanilang sarili sa napakalamig na kapaligiran.

Ang ideya ng Cafe Restaurant na ito ay mula sa Iranian nitong may-ari na si Mohammad Reza Derakhshani at sa misis nitong Pinay na si Antoneth Awayan. Nagsimula ang kanilang ideya sa pangarap nila na madala ang “Winter” sa ating bansa.

Ayon pa sa pahayag ng may-ari nito na si Derakhshani, plinano nilang mag-asawa na dalhin ang “Winter” dito sa ating bansa dahil alam nila na walang pagkakataon ang marami sa ating mga Pilipino na maranasan ang ganito kalamig ng ganoon lamang kadali at hindi na kakailanganin pang lumipad sa ibang bansa.

Bukod sa man-made snow sa loob ay mayroon din silang iba’t-ibang ice sculptures. Ayon kay Awayan, kinakailangan bukas ang kanilang kuryente sa buong araw upang mabuo at hindi masira ang mga ice sculptures na ito. Dagdag pa niya ang kanilang mga artists ay araw araw pumupunta sa nasabing lugar upang siguraduhin na magagawa nila at mapapanatili ang mga imahe ng mga yelong kagamitan sa loob ng kanilang Cafe Restaurant.

Ilan sa pakulo nila ngayon ay ang pamimigay ng libreng kape o di kaya naman ay mainit na tsokolate na mayroong chocolate bars sa kanilang mga bisita. Mayroon din silang “milk chocolate with ice cream na itinitinda o di ka naman ay maaari mo ring subukan ang uminom sa baso nila na gawa din sa yelo.



error: Content is protected !!