Si Barbie Imperial ay isang kilalang aktres at modelo na ipinanganak noong Agosto 1, 1998. Siya ay mula sa Daraga, Albay. Lumaki siya sa isang “broken family” ngunit paminsan-minsan ay nakikita naman niya ang kaniyang ama. Naranasan din manirahan ng kaniyang pamilya sa isang bahay na nasa gilid ng riles ng Philippine National Railways sa Albay. Kasama niyang naninirahan doon anh kaniyang ina at nakakatandang kuya. Nakilala at sumikat siya sa kaniyang pagganap sa teleserye na “Araw Gabi” dahil sa kahanga-hanga niyang pagganap.
Taong 2015 nang siya ay sumali sa Pinoy Big Brother: 737. Siya ay tinawag na “The Doll Along the Riles of Albay” dahil sa mukha siyang manika. Nagkaroon din siya ng ilang mga “guest role” sa “Maalaala Mo Kaya” sa pagganap niya sa mga karakter na Hannah, Glaiza at maging ang kaniyang pagganap sa kaniyang sarili sa kwento ng kaniyang buhay. Naging miyembro din siya ng “GirlTrends” sa It’s Showtime at naging regular na bisita.
Kamakailan lamang ay ikinatuwa ng marami ang balitang nakapagpundar na siya ng isang bahay dahil sa kaniyang pagtitipid. Kung dati ay nakatira sila sa gilid ng riles ay talaga namang napakalaking biyaya ang makapagpundar siya ng tahanan para sa kaniyang pamilya.
Nagbahagi ng tips ang aktres kung paano niya natamo ang tagumpay na ito. Ayon sa kaniya, hindi siya maluhong tao kung kaya naman hindi tulad ng karamihang mga artista ay mumurahin lamangang kaniyang mga bag na mula sa mga online shop o di kaya naman ay bigay ng kaniyang mga kaibigan. Bumibili din naman siya kung minsan ngunit mas gusto niyang may discount ang mga nabibili niyang gamit.
Ayon pa sa dalaga, mayroon siyang bank account kung saan inilalagay niya ang kaniyang ipon at tanging gastos lamang para sa isang buwan ang inilalagay niya sa kaniyang ATM na kaniyang pagkakasiyahin sa loob ng isang buwan. Paglilinaw pa niya matipid siyang tao ngunit hindi naman niya sobrang tinitipid ang kaniyang sarili. Dahil galing din siya sa hirap kung kaya ginagawa niya rin ang kaniyang parte upang hindi masayang ang kaniyang mga pagpapagal sa trabaho.