Mga mister na tumutulong sa gawaing bahay mayroong mas mataas na EQ at mas malusog na pangangatawan!



Aminin man natin o hindi, tunay ngang hindi madali ang maging isang ilaw ng tahanan. Katumbas nito ay ang malaking responsibilidad na maalagaan at maibigay ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang asawa at mga anak. Hindi man nila sinasabi sa atin ay tiyak na nahihirapan at napapagod din naman sila.


Kung kaya naman napakalaking tulong talaga kung si mister ay tutulong din sa gawaing bahay. Sa katunayan hindi lamang ito isang pagtulong mula sa kanila kundi isang napakalaking bagay lalo sa mga ina ng ating tahanan na buong araw nagtatrabaho at gumagawa ng mga gawaing bahay. Higit pa rito ay mayroon ding mga benipisyo itong naitutulong sa pangangatawan ng mga kalalakihan.




Ayon na rin kay Dr. Huang Wei Li mula sa Taiwan ang mga mister na nasisiyahan sa paggawa o pagtulong sa gawaing bahay ay nagkakaroon ng tatlong benepisyo, mas mataas na “emotional quotient”, mas malusog na pangangatawan, at mas magandang pamumuhay.


Ang nasabing mga benepisyo ay makikita sa kung paano nila tapusin ang kanilang mga ginagawa sa buong araw. Ang mga mister na naglalaan ng oras sa pagtulong sa kanilang mga asawa sa mga gawaing bahay kahit pa galing sila sa kanilang trabaho ay magandang senyales na kaya nilang maglaan ng oras sa iba’t-ibang gawain na kanilang ninanais na gawin o tapusin.


Napatunayan rin naman na mas mayroon din silang kakayahan na magtanggal ng stress o hindi magandang mga emosyon sa buong araw sa pamamagitan ng pagtulong sa gawaing bahay kumpara sa mga mister na walang interes sa ganitong uri ng mga gampanin. Mas nagkakaroon din sila ng mas malalim na relasyon sa kanilang mga mahal sa buhay dahil sa kanilang malasakit.


“Washing clothes, mopping floors, doing the dishes, these are all forms of exercises and they are great to be done especially after dinner.” Dagdag pa ni Dr. Li.