Mga bagay na kinakaharap ng mga OFW na nakatira sa iisang “shared apartment” sa ibayong dagat!

Maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa upang masustentuhan at masuportahan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Ngunit sa kasamaang palad ay marami din talagang gastusin ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa ibang bansa kasabay pa ng buwanang pagpapadala nila sa kanilang mga pamilya. Pangsariling luho at kaginhawahan ang madalas nilang isinasaalang-alang para kahit papaano ay mabawasan ang kanilang gastusin at maipadala na lamang sa kanilang pamilya sa Pinas.

Isa na sa pinakamabigat na problema ng mga OFW ang kanilang matutuluyan o matitirahan sa ibang bansa. Kadalasang makikita silang nagsisiksikan sa mga apartment na mas mura kaysa sa mga mamahaling apartment. Ang problema sa mga ganitong apartment ay ang sobrang ingay at magkakaibang ugali ng bawat kasama mo sa bahay. Ito ang ilan sa mga bagay na kailangan mong harapin kung ikaw ay isang OFW na nakatira sa isang “shared apartment”:

PAGKAIN


Dahil isa ito sa mga pangunahing pangangailangan ng tao, isa rin ito sa mga dahilan ng gulo sa isang “shared apartment” o “shared room”. Siyempre kung ikaw ay kakain, marapat lamang na ibahagi mo ito sa kasama mo sa bahay o sa kwarto o kung hindi ay magugulat ka na lamang na kinain na nila ito kahit pa walang permiso mula sa iyo. Ito ang dahilan kung bakit madalas itong nagiging dahilan ng alitan o away.

“HYGIENE”


Kung ikaw ay isang tao na metikuloso lalo na sa kalinisan, tiyak na magiging malaking bagay sa iyo ang kalinisan na ito lalo na kung ang iyong kasama sa bahay o sa kwarto ay hindi ganoon kalinis sa kaniyang katawan, sa kaniyang mga gamit, o sa kaniyang paligid. Hindi maiiwasan na magkaroon ka ng mga kasama sa bahay o sa kwarto na hindi masyadong maagap o metikuloso sa paglalaba, sa pagligo, o sa pagsisipilyo ng ngipin. Marahil ay makakatulong ang mas malawak na pang-unawa at pagtitiis.

NAWAWALANG MGA GAMIT


Nagsumikap kang makuha at makamit kung ano man ang mayroon ka ngayon. Kung kaya naman kung ano man ang mayroon ka ngayon ay pinaghirapan mo ito ay talagang pinahahalagahan mo. Ngunit kung ikaw ay nasa isang “shared apartment” o “shared room” mas mabuting maging maingat sa iyong mga gamit kaysa magsisi ka sa huli kapag nawala o hindi mo na makita ang mga ito.

PROBLEMA SA PALIKURAN


Dahil sa iisa kayo ng tirahan ay tiyak na iisa rin ang inyong banyo. Ngunit tiyak na malaking problema kung ang iyong kasama sa bahay o sa kwarto ay matagal gumamit ng banyo o sobrang tagal maligo. Tiyak na susukatin nito ang iyong pasensiya at para hindi na pagsimulan pa ito ng away o alitan ay agad nang kausapin ang kasama mo sa bahay.

HUMIHILIK NA KASAMA SA BAHAY O SA KWARTO


Tiyak na hindi magiging maayos ang inyong pagsasama sa iisang bahay kung ang iyong kasama ay humihilik ng malakas lalo na kung sa iisang kwarto kayo natutulog. Mas mainam na kausapin ang kasamahan tungkol dito o di kaya naman ay humarap na lamang sa kabilang panig ng higaan at hintaying makatulog ang iyong sarili.

Ito ay ilan lamang sa mga bagay na dapat paghandaan at ikonsidera ng mga nagbabalak na maging OFW lalo na sa mga nagbabalak na makatipid sa kanilang tirahan o matutuluyan.



error: Content is protected !!