Bago pa man magsimula ang kanilang klase ay niyayakap muna ng guro na ito ang kaniyang mga estudyante!



Ang pagtuturo ang isa sa pinakadakilang propesyon sa buong mundo. Ang mga dakilang guro ang nagbibigay at nagtuturo ng mga aralin sa kanilang mga estudyante sa elementarya, sekundarya o sa ibang mga unibersidad. Ang pangunahing gampanin ng mga guro sa kanilang mga silid-aralan ay ang maturuan ang kanilang mga estudyante nang mga mahahalagang impormasyon na makakatulong sa kanilang kaalaman at paraan ng pag-iisip.



Marami din naman ang nagsasabi na mahirap talagang maging isang guro ngunit isa rin namang pribilehiyo para sa maraming mga guro ang magdesisyon kung paano nila papatakbuhin ang kanilang silid-aralan at kung anong klaseng paraan o motibasyon ang kanilang gagawin para sa kanilang mga estudyante.


Kamakailan nga lamang ay hinangaan ng marami ang isang guro na ito mula sa General Santos City na mayroong sarili niyang pamamaraan kung paano niya masisiguro na ang kaniyang mga mag-aaral ay maliligayahan at gaganahang magklase at mag-aral.


Isang video ang ibinahagi ng gurong si Delane Fernz Celeste noong Hunyo 7 kung saan siya ay nagpaskil ng apat na mga “icons” sa pader ng kanilang silid-aralan at pipili ang kaniyang mga estudyante kung paano nila gustong batiin sila ng kanilang guro bago sila pumasok sa kanilang klase. Mayroong icons na “hug”, “high-five”, “handshake” at “fist bump”.



Ang viral na guro na ito ay nagtuturo sa ika-limang Baitang sa Arangkada Bawinges Bawing Elementary School sa General Santos City. Talaga namang kamangha-mangha ang ginawang ito ni Teacher Celeste na nagnanais pa na lalong mapagbuti ang pag-aaral ng kaniyang mga mag-aaral sa simpleng pamamaraan na kaniyang ginagawa.

Sino nga ba naman ang hindi gaganahang mag-aral ng mabuti kung alam mo na ikaw ay pinapahalagahan at minamahal ng iyong guro? Tiyak na mas maraming mga mag-aaral at guro ang magkakaroon ng inspirasyon mula sa ideyang ito ni Teacher Celeste. Mapalad ang kaniyang mga estudyante na mayroon silang guro na katulad ni Teacher Celeste.




error: Content is protected !!