Kapuso actor Alden Richards nagpatayo ng isang paaralan sa Mindoro para sa mga batang Mangyan!



Kilala ng marami na matulungin ang Kapuso actor at Pambansang Bae na si Alden Richards. Hindi na rin naman lihim sa publiko na isa si Alden sa mga pinakahinahangaang aktor sa GMA network. Ang 27 taong gulang na aktor o mas kilala din bilang Pambansang Bae dahil sa record breaking love team na AlDub ay labis na hinangaan hindi lamang sa karisma at gwapong hitsura nito kundi dahil sa kabutihang loob din nito sa maraming mga tao.


Sa katunayan nga ay nakalikom ang tambalang AlDub, (Maine Mendoza at Alden Richards) ng 14 na milyong piso noong Oktubre 2015 para sa kanilang “Tamang Panahon” concert na ginanap sa Philippine Arena. Kung saan ang 100 porsiyento ay napunta sa AlDub Libraries ng mga piling paaralan sa bansa.




Pagbabahagi pa niya sa isang panayam ay mayroon siyang ilang mga iskolar sa iba’t-ibang antas ngunit hindi nila alam na ang aktor ang sumusuporta sa kanilang pag-aaral. Buong pagmamalaki at kagalakan naman niyang ibinahagi na mayroon nang nagtapos ng Engineering at Accounting sa mga ito.

Alam din niya kung saan niya dapat ilaan ang pinaghihirapan niyang kita dahil sa mayroon na siyang dalawang branches ng Concha’s Garden Cafe, isa sa Tagaytay at isa sa Quezon City. Ang Concha’s Garden Cafe ay isang restawran na nagseserve ng mga classic Filipino dishes.



Ngayon, ang Pambansang Bae ay usap-usapan na namang muli sa social media dahil sa diumano’y pagpapatayo nito ng isang eskwelahan para sa mga kabataang Mangyan sa Mindoro matapos magbahagi ng larawan ang entertainment columnist na si Lolit Solis.

Pangarap ng aktor na makapag-aral ang lahat ng mga Pilipinong kabataan dahil sa naranasan niya noon na paghinto ng pag-aaral dahil sa kakapusan sa pinansyal. Tunay ngang mayroon pa ring mga tao na nagnanais tumulong sa kanilang kapwa tao.



Hindi hadlang ang pagkakaiba ng estado sa buhay para makatulong sa ibang tao. Bagkus ay puso at pagmamamalasakit na may kasamang gawa ay sapat na at tiyak na makakatulong sa mga nangangailangan at kalaunan ay makapagbabago din ng kanilang buhay at buhay ng kanilang mga mahal sa buhay.