Umani ng mga papuri ang mga estudyante na ito dahil sa pagtulong nila sa isang gutom na bata na mayroon lamang P4 sa kaniyang bulsa!



Hindi lingid sa ating kaalaman na likas na sa ating mga Pilipino ang magkaroon ng malambot na puso at maging matulungin sa mga taong nangangailangan. Kamakailan nga lamang ay ikinatuwa ng marami ang pagtulong na ginawa ng mga estudyante na ito sa isang batang nagugutom.

Ano nga ba ang mabibili natin sa halagang apat na piso sa mga panahon ngayon? Sa totoo lang, wala na yata masyado. Gaya na lamang ng 2 hanggang apat na pirasong mga kendi o di kaya naman ay tsitsirya ngunit hindi talaga nakabubusog ang mga ito tulad ng isang maayos na pagkain.



Mayroon isang batang paslit na tila isa ring estudyante ang pumunta sa tindahan ng pritong manok ngunit siya ay nahihiya dahil sa kaunti lamang ang kaniyang perang dala at hindi sasapat na makabili ng isang pirasong manok. Malungkot at nahihiya siyang kumuha ng isang stick ng manok at tinanong niya ang tindero kung maaari niya itong bayaran ng P4 dahil sa ito lamang ang kaniyang baon.

Dahil sa nakita ng tindero na gutom na gutom na talaga ang bata ay hinayaan na niyang makabili ito kahit kulang pa ang kaniyang bayad. Ang lahat ng ito ay nasaksihan ng isang grupo ng magkakaibigang estudyante na noon ay kumakain din sa nasabing tindahan ng pritong manok. Bagamat hindi naman sila mayaman ay alam nila ang nararamdaman ng kawawang paslit. Gutom siya at mukhang pagod at wala ring maayos na uniporme at pangyapak.



Kung kaya naman nag-ambagan ang nga estudyante na ito upang kahit papaano Ay matulungan ang bata. Ibinahagi ito ng isang Thirdy Echenique Dela Torre III sa kaniyang social media account. Binilan nga nila ng maayos na pananghalian ang bata, isang bagong tsinelas, at isang bola dahil sa nakita rin nila kung gaano kasabik ang bata sa mga laruan.

Pinuri ng marami ang ginawang ito ng mga estudyante, at sana ay marami pang mga kabataan na matutong tumulong at magmalasakit sa kanilang mga kapwa.