Taiwan, Visa-free na para sa mga Pilipino hanggang 2020!



Tunay ngang masarap sa pakiramdam ang pamamasyal sa iba’t-ibang magagandang lugar at ang pagtuklas sa kani-kanilang magaganda at kamangha-manghang kultura at tradisyon. Marami sa atin ang talaga namang naglalaan ng panahon at salapi minsan sa isang taon hindi lamang upang mabisita ang iba’t-ibang panig ng ating bansa kundi makapunta rin sa iba’t-ibang magagandang lupain sa ibayong dagat. Ang iba nga sa atin ay mayroon pang mga “bucket list” kung saan nakalista ang mga pangarap nating puntahan o tuklasin na mga lugar dito at sa ibang bansa.


Kung gaano kadali magbiyahe sa ating bayan ay ganoon din naman kahirap ang magtungo sa iba pang bansa na kadalasang marami ding mga dokumento, papeles, at visa na kinakailangang ayusin. Kung kaya naman talagang mas kumukunsumo din ito ng oras, panahon at maging ng gastos sa marami sa atin. Buti na lamang at mayroong magandang balita ang isang pamahalaan ng isang bansa na talaga namang malapit rin sa mga Pilipino hindi lamang sa patok na programa na “Meteor Garden” noon tungkol kay San Cai at sa apat na lalaki na kabilang sa grupong F4 na nagkaroon ng parte sa kaniyang buhay at lalo na sa puso at isipan ng maraming mga Pilipino kundi dahil na rin sa mayaman at napakaganda nitong kultura.




Isang napakagandang balita para sa mga biyaherong Pilipino dahil wala nang kailangan na visa upang makapasok sa Taiwan dahil sa na-extend pa ito ng isang taon ayon na rin sa Taipei Economic and Cultural Office. Sa isang pahayag na inilabas noong Martes, Hulyo 2, ang mga Pilipino ay maaari pa ring bumisita sa Taiwan mula Agosto 1,2019 hanggang July 31,2020. Ang mga Pilipino ay maaaring magtungo at manatili rito ng hindi lalagpas sa 14 na araw, basta’t mayroon lamang silang valid na passport at kumpirmadong return ticket. Ang programa na ito ay una nang ipinatupad noong 2017 at dahil sa dumagsa ang mga turistang Pilipino sa Taiwan na nagdulot ng 44% na pagtaas ng mga turistang Pilipino kumpara noong 2017. At sinasabi na ayon din sa pribilehiyong ito na ipinagkakaloob sa mga Pilipino ay mas natutulungan ang pagpapalago sa Turismo ng bansang Taiwan sa 12.46%.




error: Content is protected !!