Isang lalaki ang nahulog sa isang babae na nakilala lamang niya sa kanilang flight at naging kasintahan niya ito nang maghawak sila ng kamay dahil sa “turbulence”!

Marami na marahil ang makapagpapatunay na matatagpuan mo ang pag-ibig sa mga panahon at oras na hindi mo inaasahan. Isang Taiwanese na lalaki ang nagbahagi ng kaniyang kwento habang siya ay sakay ng isang eroplano. Ayon sa kaniya, nakakita siya ng isang balingkinitang babae na maraming dala-dalang mga bag bago pa man sila mag-board ngunit hindi niya ito pinansin masyado. Nung mga panahong iyon ay masamang-masama ang loob niya dahil sa natanggal siya sa kaniyang trabaho at ang nais na lamang niyang gawin ay umuwi sa kanilang tahanan. Nagulat siya nang makitang katabi pala niya ito sa eroplano.

Ang babae ay nakaupo sa tabi ng bintana at mayroong maraming mga bag sa kaniyang tabi, tiningnan niya ito ay napaisip kung makakaya niya kayang maabot ang overhead compartment at mailagay ng maayos ang kaniyang mga gamit? Dahil sa hindi naman humihingi ng tulong ang dalaga ay naupo na lamang siya ng maayos at namahinga. Ngunit agad din niyang narinig ang malambing na boses ng dalaga na nakikisuyo sa kaniya na tulungan siya sa kaniyang mga bagahe.


Dito na nga nagsimula ang kanilang pagkukwentuhan at matapos nito ay inabutan din siya ng cherry ng dalaga. Nalaman niyang sa Taipei rin pala ito tutungo kung kaya inalok niya ito na bumiyahe sila ng magkasama, at buong flight na nga sila nagkwentuhan.

Dagdag pa ng binata, mahusay magsalita ng Ingles ang dalaga ngunit medyo hirap naman siyang maging matatas sa pagsasalita nito. Sinabi din sa kaniya ng dalaga na mula siya sa Chongqing, China at ito ang unang beses niyang magtungo sa Taiwan kahit pa marami na siyang napuntahang ibang bansa. Nalibang sila sa kwentuhan hanggang ang bakanteng upuan sa kanilang gitna ay inokopa na ng dalaga at magkatabi na silang nag-uusap.

Nang matutulog na sila ay agad namang nagkaroon ng “turbulence” na nagpakaba sa dalaga at talaga namang naging kampante na sila sa isa’t-isa at nagulat na lamang sila na magkahawak na pala sila ng kamay hanggang sa nakatulog na sila pareho. Hindi binitiwan ng binata ang kamay niya dahil sa nais nitong masigurado na walang masamang mangyayari sa kaniya sa kanilang flight. At matapos nga nito ay mapayapa silang nakalapag sa Taiwan at masaya nilang nilibot ang lugar.

At ngayon nga na opisyal at ganap na silang magkasintahan, laking pasasalamat ng binata na tinanggal siya sa trabaho ng kanilang kompanya at nagkaroon siya ng pagkakataon na makilala ang babaeng kaniyang sinisinta. Ang nasabing post ay mayroong higit sa 3,300 na shares at samu’t-saring mga reaksyon at komento mula sa publiko.



error: Content is protected !!