Isang traffic enforcer sa Maynila ang naging viral dahil sa nagtatrabaho pa rin ito sa kabila ng ulan at baha!



Ang Pilipinas ay madalas na ngang nakakaranas ng matinding pagbaha lalo na ang Metro Manila tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan. Tila nga nakakasanayan na ng maraming mga tao ang ganitong uri ng sitwasyon at tila nagiging normal na lamang para sa mga taga-Maynila.Ngunit marami pa rin ang nagulat ng makita ang isang traffic enforcer na ito sa Maynila dahil sa kabila ng masungit na panahon ay hindi pa rin nito iniwanan at pinabayaan ang nakatalagang trabaho sa kaniya. Patuloy pa rin niyang inaasiste ang maraming mga motorista kahit pa nga lubog ang kaniyang paa sa baha.



Isang netizen na nakilala bilang si Laurice Gel Mariano ang kumuha ng larawan ng traffic enforcer na ito nang siya ay mapadaan sa Taft Avenue, Malate sa Maynila kung saan niya nakita ang enforcer na ito na nakatayo sa gitna ng kalsada. Labis na hinangaan ito ng netizen dahil sa kahit pa nga walang tigil ang ulan at baha ang kalsada ay ginawa pa rin nito ang kaniyang trabaho ng walang pag-aatubili at reklamo.


Kahit pa nga basa na ang kaniyang uniporme at babad na ang kaniyang mga paa sa baha ay patuloy pa rin ito sa pagtatrabaho. Ang nakakamanghang traffic enforcer ay nakilala bilang si Gilbert Bautista ng Manila Traffic and Parking Bureau. Ang naging viral na larawan ay kuha nitong Biyernes lamang ika-2 araw ng Agosto.
Napakaraming mga netizen ang humanga at sumaludo sa traffic enforcer na ito. Marami din naman ang nag-aalala at nagsabing dapat ay nakasuot man lamang siya ng bota o di kaya naman ay ng kapote upang hindi siya masyadong mabasa. Ang ilang netizen din naman ay nagpahayag ng kanilang komento na sana ay bigyang-pansin ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon ng mga traffic enforcer lalo na kung ganitong panahon na ng tag-ulan.Tunay ngang napakagandang halimbawa niya para sa maraming mga Pilipino na mahalin at pahalagahan ang kanilang mga trabaho.




error: Content is protected !!