‘Fruits Eat All You Can’ sa halagang P50 lamang inilunsad bilang pagdiriwang ng Kidapawan City!



Ikinasabik ng marami ang pagdiriwang na ito sa Kidapawan City kung saan sa halip na “eat all you can” ng kung ano-anong mga pagkain, ulam o inumin ay tila isang buffet ng maraming mga prutas ang kanilang inihanda sa mga dadalo sa pagdiriwang nila sa kanilang masaganang ani.



Sa halagang 50 pesos lamang ay talaga namang masosolb ka sa mga prutas na maaari mong lantakan nang walang oras o limitasyon. Ayon pa sa ilang mga ulat, ang nasabing pagdiriwang na “eat all you can” sa Timpupo o “Harvest Time” Festival ay nilahukan ng maraming mga dayuhan at turista sa lugar. Tatlong toneladang lanzones, rambutan, saging, marang, mangosteen, at durian ang inihanda sa unang araw ng nasabing aktibidad. Ang nasabing kasiyahan ay idinaos hng ika-18 ng Agosto taong 2018.


Isa nga sa mga nakilahok sa nasabing pagdiriwang ay ang turistang Dutch na nakilala bilang si Clara Alfrida. Ayon sa kaniya, ipinabatid sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan ang kaganapan na ito dahil sa alam nila na mahilig talaga siya sa mga prutas. Ipinahayag din naman ng City Tourism Officer ng Kidapawan na si Joey Remicilla sa ABS-CBN News na mayroon silang mataas na produksiyon ng mga prutas sa kanilang lungsod kung kaya naman ibinebenta ang mga ito sa mababang presyo lamang.


Dagdag pa niya, ang pagdiriwang na ito ay naglalayon na maipakilala ang Kidapawan sa pagiging “fruit basket” ng Mindanao. Makakaasa din umano ang publiko na ipagpapatuloy pa nila ang ganitong mga pagdiriwang sa mga susunod pang taon.


Tunay nga namang sa panahon ngayon na marami nang iba’t-ibang mga “eat all you can” sa iba’t-ibang mga lugar sa ating bansa, nakakatuwa pa rin na mayroong mga ganitong uri ng pagdiriwang upang mapakita at maiparanas sa publiko ang kakaibang “eat all you can” na mas pinamura at mas pinasustansiya pa dahil sa halip na matatamis o matatabang mga pagkain ay prutas ang kanilang ipinatitikim sa publiko.






error: Content is protected !!