Kathryn Bernardo binansagan na bilang “Asia’s Superstar”!



Ang Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo ay kilala ng marami bilang “Teen Queen” at “Queen of Hearts” ngunit bukod sa mga bansag na ito ay kinikilala na rin siya ngayon bilang “Asia’s Superstar”. Ibinahagi ng Star Cinema Adprom Executive Mico Del Rosario ang isang larawan ng aktres sa kaniyang Instagram post kung saan nilagyan niya ito ng caption na “Asia’s Superstar” at mayroon pang “heart sign”.



Ayon naman sa LionhearTV, nakuha ng aktres ang titulo dahil sa matagumpay niyang “record-breaking film” kasama ang Kapuso actor na si Alden Richards na tumabo na ng higit sa P880,000, 000 sa takilya. Ang pelikulang ito ay mayroong pamagat na “Hello, Love, Goodbye” kung saan ipinapakita ang kwento ng dalawang Overseas Filipino Workers na sina Joy at Ethan na humaharap sa isang mabigat na pagsubok sa gitna ng kanilang pag-iibigan at mga nais na marating sa buhay.


Samantalang ang pelikula naman ni Kathryn sa kaniyang on at off-screen partner na si Daniel Padilla na “The Hows Of Us” ay pumalo naman sa higit P805 milyon sa mga sinehan sa buong mundo. Ayon pa sa aktres ay hindi niya akalain na magiging matagumpay ng husto ang kanilang mga ginagawang pelikula at labis siyang nagpapasalamat sa mga tao na sumusuporta sa kanila.



“Dito ko napatunayan na kapag minahal mo ‘yung project o ginagawa mo, babalik sa ‘yo. Kung ano ‘yung tinanim mo, aanihin mo talaga. Siguro, nag-reflect lang kung paano ‘yung pagmamahal na binigay namin sa bawat pelikula.” Pahayag ng aktres.


Samantala, ang Kapuso actor naman na si Alden Richards na una nang nakilala bilang “Phenomenal Star” dahil sa tambalan nila ng Kapuso actress at host na si Maine Mendoza at tinawag din na “Pambansang Bae” ay kinilala na ngayon bilang “Asia’s Multimedia Superstar” matapos ang kaniyang matagumpay na mga proyekto sa telebisyon, pelikula, at sa kaniyang music recording.





error: Content is protected !!