Labandera ang ina at gwardiya naman ang ama ng estudyanteng ito na nakapagtapos sa La Salle



Marami sa atin ang nakaaalam na ang De La Salle University ay isa sa pinakamahal na unibersidad dito sa Pilipinas. Ngunit ang unibersidad na ito ay hindi lamang nakalaan para sa mga mayayaman at may sinasabi sa buhay dahil sa kahit pa mahirap na estudyante ay may pagkakataon ding maging parte ng popular na paaralang ito. Isang anak ng labandera at security guard ang registered Medical Technologist na si Rein.



Isa rin siyang Wattpad pop fiction writer na isa sa mga nabigyan ng pambihirang pagkakataon na makapasok sa prestihiyosong unibersidad sa kabila ng mataas nitong matrikula. Hindi man sapat ang pinagsamahang kita ng kaniyang mga magulang sa isang semestreng bayarin niya sa eskwela ay ipinagpasaDiyos niya na lamang ito.


Sa kaniyang ibinahaging kwento sa kaniyang social media account ay ikinuwento niya kung paano niya napagtagumpayan ang mga pagsubok na kinaharap nila sa buhay. Labis labis din ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang mga magulang na hindi nagsawa na suportahan siya sa kaniyang pag-aaral. Hindi man nakapagtapos ang kaniyang mga magulang ay naibahagi nila sa kaniya ang pagpapahalaga sa maganda at de kalidad na edukasyon.


Nagtapos siya bilang isang “Salutatorian” sa hayskul kung kaya naman nabigyan siya ng pagkakataong maging isang iskolar ngunit sa kabila nito ay marami pa ding mga kailangang bayaran kagaya ng uniporme, pagkain, mga libro, baon, pamasahe at marami pang iba. Napakapalad niya dahil sa mayroon siyang tiyahin na tumutulong sa kaniya para sa kaniyang matrikula at ang kaniyang ama naman ang gumagastos para sa kaniyang mga iba pang bayarin.


Isang Foundation naman ang tumulong sa kaniya pagdating sa kaniyang pagkain sa isang Japanese restaurant. Sobra din siyang nagpasalamat sa kaniyang ina na matiyagang sumuporta at nag-alaga sa kanilang magkakapatid. Sa ngayon ay nakapag-publish na rin siya ng sarili niyang libro. Talaga namang kamangha-mangha ang kwento ng kaniyang tagumpay at ang pambihirang suporta at pagmamahal sa kaniya ng kaniyang pamilya.