“Native chicken” ang natanggap na regalo ng guro na ito mula sa kaniyang estudyante para sa “Teacher’s Day”

Kamakailan lamang ay ipinagdiwang ng buong mundo at ng buong Pilipinas ang ginanap na “World’s Teachers Day”. At bilang pag-alaala natin sa mga huwaran at mga butihin nating mga guro ay hindi natin kinalimutan na handugan sila ng mga mumunting sorpresa gaya na lamang ng bulaklak, cake, liham, o mga simpleng regalo. Ngunit talaga namang kakaiba at napakaespesyal ng regalong natanggap ng isang guro na ito mula sa General Santos City. Siya ay si Teacher Talon Claude na isang guro sa Banwalan Primary School na isang pangpublikong paaralan sa GenSan.

Sa nasabing paaralan ay tatlo lamang silang mga guro kung kaya naman sinabihan niya ang kaniyang mga estudyante na magdala ng kahit anong bagay na nais nilang ibigay sa kanilang guro bilang isang regalo sa araw ng mga guro. Sinabihan din niya ang mga ito na sa ibang mga guro na lamang ibigay ang regalo at kahit huwag na sa kaniya.


Ayon pa sa guro, matapat na nagtaas ng kamay at nagtanong sa kaniya ang kaniyang estudyanteng si Legaspi kung maaari bang magdala ng manok. Dahil sa pag-aakala niyang ibibigay ito ng bata sa kanilang prinsipal ay agad naman niya itong sinagot at sinabing wala namang problema kung nais niyang magregalo ng manok basta ito ay mula sa kaniyang puso at tiyakin lamang nito na magpapaalam siya sa kaniyang mga magulang.

Nang dumating na ng araw ng kanilang selebrasyon ay laking gulat ng guro ng sinabihan siya ng kapwa niya guro na may regalo pa lang native na manok para sa kaniya ang kaniyang estudyante. Ayon sa guro ay talaga namang nagulat siya at na-touch sa ginawa ng kaniyang estudyante kung kaya naman nagpakuha siya kaagad ng larawan sa kaniyang mag-aaral kasama ang regalo nitong manok para sa kaniya.

Ilan pang mga mag-aaral ng nagdala ng kani-kaniyang mga regalo para sa kanilang mga guro na talaga namang ipinagpasalamat ng mga ito. Ngunit wala pa rin talagang tatalo sa native na manok na natanggap ni Teacher Talon Claude.



error: Content is protected !!