Kasambahay nakahiwalay sa lamesa ng kaniyang mga amo sa loob ng isang kilalang fast-food chain, umantig sa puso ng maraming mga netizens

Malaking bagay para sa maraming mga pamilya lalo na sa mga magulang na nagtatrabaho ang pagkakaroon ng kasambahay. Talaga namang sa panahon ngayon ay mahirap nang makahanap ng mapagkakatiwalaan at masipag na kasama sa bahay. Mayroong mga hindi magagandang balita na madalas nating madinig sa mga kasambahay na gumagawa ng hindi magandang bagay sa kanilang mga amo. Minsan nga ay mayroong mga kasambahay na nagnanakaw sa kanilang mga ano o di kaya naman ay hindi itinatrato ng maganda ang kanilang mga inaalagaang bata. Kailanman ay hindi ito magandang halimbawa at hindi ito dapat pang tularan nang kahit sinoman.

Bukod dito ay mayroon din namang mga pangyayari kung saan ang mga kasambahay naman ang minamaltrato o hindi tinatrato ng tama ng kanilang mga amo o ng pamilyang kanilang pinagsisilbihan. Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang larawang ibinahagi ng isang Twitter user na nakilala bilang si “@moniiinay”. Ayon sa kaniya ay namataan niyang umupo ang isang pamilya sa lamesa habang sa di kalayuan naman nakaupo ang kasama nilang matandang babae na animo ay kanilang kasambahay. Habang masayang kumakain ang pamilya ay isang baso ng softdrinks lamang ang ibinigay sa kawawang matanda.
Dagdag pa niya, sinenyasan niya ang matandang babae kung ayos lamang ito sa kaniyang kinalalagyan at ngumiti lamang ito sa kaniya. Mayroong ilang mga netizens na nagkomento na maaaring mayroong pagkain na inorder para sa kasambahay ngunit hindi pa lamang ito dumarating o hindi na niya nakita pang dumating. Ngunit pagdepensa naman ng netizen ay naunang umalis kaysa sa kaniya ang pamilya kasama ang kasambahay sa nasabing popular na fast-food chain matapos nilang kumain.

Ang nasabing post ay mayroon nang higit sa 1,700 na mga likes at halos higit sa 400 na retweets. Ayon pa sa ilang mga netizens, kung ayaw pala nilang isama sa kanilang pagkain ang kawawang kasambahay ay iniwan na lamang sana nila ito sa kanilang bahay.

Ayon pa sa isang netizen, huwag na lamang puro masasamang salita ang ibato sa pamilya o sa pangyayari bagkus ay mas nararapat lamang na maging aral ito sa maraming mga pamilyang Pilipino na mayroon ding kasambahay. Ang pagiging makatao at pagmamalasakit sa ibang tao kakilala man natin o hindi ay ilan sa mga bagay na hindi mabibili ng pera kailanman.

Source: DefinitelyPinoy



error: Content is protected !!