Isang matandang babae na nangongolekta ng mga basura, usap-usapan ng mga netizens dahil sa kasa-kasama niya ang mga alagang aso habang nangangalakal!



Pangongolekta ng mga basura sa siyudad ang ikinabubuhay ng matandang babae na ito sa araw-araw. At sa kaniyang pagbabanat ng buto ay kasa-kasama pa niya ang kaniyang mga alagang aso. Hinangaan ito ng maraming mga netizens dahil sa marami sa kanila ang napukaw ang damdamin sa larawan ito na nag-viral sa social media.



Isang netizen na nakilala bilang si Joyce Garban ang nagbahagi ng mga nakaaantig na larawan sa Facebook page na Marikina News. Ang matandang babae na nagtutulak ng kaniyang kariton sa lansangan na punong-puno ng mga napulot at nalikom niyang kalakal ay nakilala rin bilang si Nanay Marina Galliya. Kahit pa nga hirap na hirap ang matanda sa pagtulak ng kaniyang kariton ay matiyaga pa rin niyang itinutulak ito.

Sa likuran nga ni Nanay Marina ay ang dalawa niyang mga alagang aso na talaga namang hindi siya iniiwan kahit saan siya magpunta. Nang tanungin si Nanay Marina kung bakit kasa-kasama niya ang mga alaga sa pangangalakal, ang sagot lamang ng matanda ay tiyak na malulungkot ang kaniyang mga alaga kung maiiwan ang mga ito sa kanilang bahay nang walang kasama.
Ayon pa kay Joyce, ibinahagi niya ang larawan ng matandang babae upang kahit papaano ay matulungan ito ng ilang mga tao na makakakita sa social media ng kaniyang kwento. Kahit sana maayos na kariton lamang ayon sa kaniya ay magiging malaking tulong na para sa masipag na matanda. Tunay ngang nakakamangha na sa kaniyang edad ay hindi pa rin nito alintana ang pagiging delikado ng kaniyang trabaho.


Sana ay maraming mga tao pa ang makakita at makabasa ng kaniyang kwento at sana ay matulungan din ang kawawang matanda sa kaniyang kalagayan sa buhay. Isang napakagandang inspirasyon para sa maraming mga Pilipino na tila hindi nabibigyang halaga ang mga bagay na kanilang tinatamasa sa ngayon na dahilan rin kung bakit sila namumuhay ng kombinyente sa araw-araw.




error: Content is protected !!