Sanggol na inabandona ng kaniyang mga magulang dahil sa kapansanan nito, isa nang ganap na “gymnast” katulad ng kapatid niya na isang “Olympian”



Ipinanganak siyang walang mga binti at ang mas masakit pa rito ay inabandona siya ng kaniyang mga magulang nang siya ay isilang. Sa ngayon ay isa na siyang “motivational speaker” at “aeralist dancer”. Sa kabila ng kaniyang pisikal na kondisyon ay talaga namang napagtagumpayan niya ang mga pagsasanay upang maging isang mahusay na mananayaw. Noon pa man ay nais na niyang maging isa sa mga kalahok ng “Dancing With The Stars”.



Siya ay walang iba kundi si Jennifer Bricker, 27 taong gulang. Kahit noon pa man ay hilig na niya ang sports kung kaya naman bata pa lamang ito ay naging isa na siyang “state champion gymnast. Labis niyang hinahangaan si Dominique Moceanu na napag-alaman niyang tunay niya palang kapatid sa edad na 16 na taong gulang.


Ayon kay Jennifer pinakamasaya siya sa tuwing nagtatanghal siya ng acrobatics Malimit nang hinahamon ni Jennifer ang kaniyang sarili sa mga bagay na kaya pa niyang gawin.


Kung kaya naman hindi na nakapagtataka na isama niya ang pagsasayaw sa mga bagay na nais niyang matutunan para na rin sa mga oportunidad na maaari pa niyang makuha dahil dito sa kaniyang karera. Pagbabahagi pa niya, ang pagsasayaw ang isa sa mga bagay na hindi niya sigurado noon kung makakayanan ba niya.



Bagamat inabandona siya ng mga magulang niya noon ay inampon naman siya nina Sharon at Gerald Bricker na mayroon nang tatlong mga anak na lalaki na mas matanda kay Jennifer. Masaya siyang namuhay kasama ng bago niyang pamilya sa maliit na bayan ng Oblong Illinois. Tunay nga na lahat ng mga pagsubok ay kayang-kaya ni Jennifer at ang salitang “imposible” ay wala sa kaniyang bokabularyo.

Siya ay nagsilbing inspirasyon at motibasyon para sa mga taong katulad niya na mayroon ding kapansanan o mayroon ding mga kakulangan. Sa halip na panghinaan ng loob at magmukmok sa isang sulok ay nagsusumikap siyang maging isang magandang ehemplo para sa maraming mga tao.