Carabao Island, bagong Boracay ng Pilipinas?



Maraming mga magagandang tanawin at lugar dito sa Pilipinas ang hindi pa nadidiskubre ng publiko. Dahil nga sa tago pa ang ganda at ang yaman nito ay talaga namang makapigil hininga ang mga tanawin dito at ang katahimikan dito ay sadyang nakakabingi rin. Marahil ay isa na sa mga ito ang lugar na ito na usap-usapan ng publiko.



Maaaring sa ngayon ay hindi pa ito kasing ganda at kasing sikat ng pamosong Boracay Island ngunit ang “Carabao Island” ay nagsusumikap na mapagyaman pa at mapaunlad ang angking kagandahan nito upang maging isa rin ito sa mga kilalang resort island sa Pilipinas at maging sa buong mundo. Bukod pa rito ay magkakaroon din ng mga nakakapanabik na mga gawain dito ngunit hindi na kasing sikip pa ng ibang mga lugar na sikat na sikat na at punong-puno na ng mga tao.


Ang nasabing isla ay kilala sa tawag na Hambil sa ilalim ng pamamahala ng San Jose, Romblon. Ito ay mayroong 2,205 na ektarya at talaga namang hahangaan mo rin ang pribadong “white-sand beaches” nito at “limestone formation” na daan rin patungo sa iba pang mga kweba sa lugar.


“Our vision here in Isla de Carabao, while we cannot compete with Boracay, we strive hard to improve the island and if possible best Boracay on development and preparation of the island (for the influx of tourists),” ito ang pahayag ng alkalde ng San Jose na si Mayor Ronnie Samson sa kaniyang panayam sa Philippine News Agency sa ginanap na Carabao Island leg ng Department of Tourism (DOT) media familiarization tour sa Romblon noong nakaraang linggo.


Hindi na rin naman lingid sa kanilang kaalaman ang nangyari sa Boracay kung kaya naman marami silang nakuhang leksyon at natutunan mula rito. Kung kaya naman pagsusumikapan ng bawat isa na mapanatili ang angking kagandahan at katahimikan ang kanilang lugar.
“Kung ano man ang nangyari sa Boracay, iyon ang naging rason kung bakit kami nagtulong-tulong. Hindi namin hahayaan na mangyari iyon sa amin ” pagbabahagi ni Lealyn Pablo, ang tourism officer ng San Jose.



Source: PNA