Isang estudyanteng walang sapatos nanalo ng tatlong gintong medalya sa “Track and Field”!



Sa nakakalungkot na reyalidad ng buhay, hindi lahat ng tao ay ipinanganak sa isang masaya at mayamang pamilya. Ngunit palaging nasa sa atin ang desisyon at mga pamamaraan kung paano natin makakamit ang tagumpay kahit ano pa o saan mang klase ng pamilya tayo isinilang.



Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang estudyante na ito dahil sa pagkakapanalo nito ng tatlong mga medalya sa “track and field”, kahit pa nga nakatapak lamang siya at walang sapatos. Siya ay walang iba kundi si Rhea Bullos na mula sa Batasan, Iloilo na lumahok sa Iloilo Schools Sports Councils Meet sa Iloilo. Hindi lamang siya hinangaan ng publiko dahil sa kaniyang pagkakapanalo kundi dahil sa kaniyang determinasyong manalo kahit pa wala siyang suot suot na pangyapak.

Sa mga kumalat na larawan sa social media ay makikita ang larawan ng batang babae na nakaupo habang nanunuod ng kompetisyon. Kapansin-pansin ang kaniyang suot na pangyapak na gawa lamang sa brown na surgical tape. Binalot lamang ng bata na nasa larawan ang kaniyang mga talampakan at maging ang kaniyang daliri sa paa. Upang masigurado ang kaniyang balanse ay pinaikutan niya rin ang surgical tape ang kaniyang mga daliri sa paa.
Ang mas nakapukaw pa ng atensyon ng publiko ay ang tatak na “Nike” na isinulat pa sa kaniyang gawa-gawang pangyapak. Sa kabila ng kawalan niya ng maayos na sapatos ay nagwagi pa rin siya ng tatlong gintong medalya sa 400 meter run, 500 meter run, at 800 meter run. Maraming mga netizens ang naantig sa larawang ito ng bata at marami din naman ang nagnais na matulungan ito o kahit mabigyan man lamang ng maayos na sapatos ang estudyante.


Tunay nga na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit natin ang mga pangarap natin sa buhay. Maaaring ngayon ay hirap at kapos tayo sa ating pamumuhay ngunit darating din ang panahon na didinggin ng Panginoon ang ating mga dalangin at Siya ang gagabay sa atin sa pagkamit natin sa ating mga minimithi.





error: Content is protected !!