Mga anak ng namayapang reporter na si Cesar Apolinario gagawing mga scholar ng Project Malasakit ni Kara David



Si Cesar Apolinario ay kilala bilang isa sa pinakamahusay na tagapagbalita ng GMA Network. Madalas din siyang napapanuod sa programa ng GMA News TV na “I Juander” kasama ang kaniyang kapartner na si Susan Enriquez. Ngunit kamakailan lamang ay ginulat niya ang publiko sa biglaan niyang pagpanaw. Naiwan niyang nangungulila ang kaniyang asawa at mga anak. Tunay nga na ipinagluksa ng publiko ang paglisan ng isang mahusay at talentadong personalidad sa industriya ng pamamahayag.



Ngunit sa kabila ng kaniyang pagpanaw ay ang inspirasyon at mga aral na kaniyang iniwanan para sa lahat. Lalo’t higit ang kaniyabg hindi mapapantayang pagmamahal para sa kaniyang pamilya. At dahil batid ito ng mga taong nakasama niya sa trabaho, kahit papaano ay nais din nilang makatulong sa kaniya at sa kaniyang mga mahal sa buhay.


Kung kaya naman hindi na nagdalawang-isip pa si Kara David na tulad niya ay isa ring mahusay na mamamahayag at kilala bilang founder at president ng Project Malasakit na tumutulong sa mga taong nangangailangan na naitatampok niya sa kaniyang mga dokumentaryo.


Ngunit ngayon, hindi mga tao sa kaniyang dokumentaryo ang kaniyang tutulungan kung hindi ang mga anak ng kaniyang mabuting kaibigan at katrabaho na si Cesar. Ayon sa kaniyang post, ang yumaong si Cesar ang breadwinner o ang tagapagtaguyod ng kaniyang pamilya. Bagamat lumaki siya sa hirap ay nagsumikap pa rin siya sa buhay, naging isang OFW, at naging mahusay na reporter. Ang buong buhay nito ay inialay niya para lamang sa kaniyang pamilya at sa pagtulong niya sa kaniyang kapwa. Ang tatlong mga anak niya ay puro mga “honor students” kung kaya naman ipagpapatuloy ng “Project Malasakit” ang pangarap ni Cesar para sa kaniyang mga anak na makapagtapos ng pag-aaral.


Magiging iskolar na ng “Project Malasakit” ang kaniyang mga anak na sina Remuscesar Apolinario na “incoming senior high school student” na sa STI Marikina, habang si Athena Joyce Apolinario naman ay nasa ika-siyam na baitang na sa Eastern Star Academy. Ang kaniya namang bunso na si Sofia Mendoza Apolinario ay magtatapos na sa ika-anim na baitang.






error: Content is protected !!