Mga Pilipinong mag-aaral nakagawa ng mga “bricks” sa pamamagitan ng dumi ng aso!



Marahil ay marami na sa atin ang nakakaranas na makakita sa daan o maging sa tapat ng ating mga bahay ng dumi ng aso. Ngunit ang mas masaklap pa dito ay ang matapakan natin ito nang hindi natin sinasadya. Talaga namang nakakaabala ito para sa atin at hindi rin kanais-nais na mangyari sa kahit sino sa atin. Ngunit aakalain ba ninyo na ang mga itinuturing na kalat o dumi na ito sa lipunan ay mayroon din pa lang mabuting maidudulot?



Ilang mga mag-aaral mula sa Quezon City ang nakadiskubre na ang dumi pala ng aso ay maaaring magamit sa paggawa ng mga “bio-bricks”. Ayon sa mga pag-aaral at eksperimentong ginawa ng mga mag-aaral sa ikawalong baitang ng Justice Cecilia Munoz Palma High School sa Payatas, Quezon ang kanilang mga “bricks” ay nagawa nila sa pamamagitan ng dumi ng aso.


Ayon pa sa ilang mga ulat ang kombinasyon ng dumi ng aso at semento ay tinawag nilang mga “bio-bricks”. Ang produksyon o paggawa nito ay simple lamang, ang unang gagawin ay ibibilad sa sikat ng araw ang mga nakolektang dumi ng mga aso makalipas nito ay idaragdag na din ang semento upang makabuo ng hugis ng isang “brick”. Ang bawat “bio-bricks”ay mayroong sampung gramo ng dumi ng aso at sampung gramo din naman ng semento. Binigyang linaw din ng mga mag-aaral na ang amoy mula sa mga ito ay lilipas din naman kalaunan.


Ang pinakamagandang balita pa rito ay mas matibay pa ang mga “bio-bricks”na ito kumpara sa mga hollow blocks na mabibili natin sa merkado, ito ay ayon na rin sa naging resulta ng “compression test” na isinagawa.


Tunay nga na ang imbensyong ito ay gawa at tatak Pilipino na marapat din naman nating ipagmalaki. Ang dating perwisyo sa ating paningin ay mayroon din pa lang magandang epekto o benepisyo sa ating kapaligiran at sa ating lahat.






error: Content is protected !!