Pag-inom ng “bleach” hindi maaaring gamiting gamot sa “Novel coronavirus” o nCoV!



Marami nang laganap na mga sari-saring balita sa social media. Maaaring ito ay isa sa pinakasikat at pinaka-pinaguusapang paksa sa ngayon na talaga namang nakakapukaw sa atensyon ng publiko. Ngunit dapat nating pakatandaan na hindi lahat ng nababasa natin sa social media ay dapat nating gawin o dapat nating paniwalaan dahil hindi natin batid ang panganib na maaari nitong maidulot sa atin at maging sa ating mga mahal sa buhay.



Usap-usapan ngayon ang mga kumakalat na balita sa social media patungkol sa diumano ay isang paraan upang tuluyan nang mapuksa ang novel coronavirus na nangdudulot ng pangamba sa maraming mga Pilipino. Binigyang babala ng Department of Health (DOH) nito lamang Biyernes ang publiko dahil sa mga ilang post na nagsasabing maaaring mamatay ang mapanganib ng virus sa pamamagitan ng pag-inom ng “bleach”.


Ayon sa DOH, hindi dapat maniwala ang publiko sa mga post na ito dahil sa mas lalo lamang itong magdudulot ng panganib sa marami sa atin. Ang pag-inom ng “bleach” ay nakalalason at talagang nakamamatay at hindi dapat ito gawin ng kahit sino mang tao o pasyente dahil sa hanggang ngayon ay wala pa ring natutuklasang gamot o bakuna para tuluyan nang masugpo ang Novel coronavirus na nagmula sa mainland China at kumalat na nga sa 22 pang mga bansa at isa na rito ang Pilipinas.


“Please shy away from social media. If you want to have some valuable information, you go to our website. That would be updated every day,” sabi ng DOH-Central Visayas Regional Director na siDr. Jaime Bernadas sa ginanap na pulong balitaan nito lamang Biyernes.


“That’s not true. There’s no known treatment for the corona virus. Sana tigilan na nila specially yung maling balita, nakakatakot or nagbibigay pa ng maling impormasyon to prevent it or to treat it.” paglilinaw pa ni Dr. Eric Domingo na undersecretary ng DOH.

Ilan pa sa mga maling balitang kumakalat ngayon ay ang pag-inom ng isang mangkok ng tubig mula sa tinadtad at pinakuluang bawang. Maaaring mayroong mga magandang benepisyo ang bawang sa ating katawan ngunit hindi nito kayang puksain ang Novel coronavirus. Mayroon ding isang lalaki sa Hong Kong na nagsabing maaari diumanong ma-disinfect ang mga disposable at single-use na face mask sa pamamagitan ng steamer upang magamit pang muli. Pinapaalalahanan ang publiko na ang mga nagamit nang disposable face mask ay puno na ng mga organismong maaaring magdulot ng iba pang uri ng karamdaman.



Kung kaya naman bilang mga Pilipino mas mabuti na maging mapanuri at maingat tayo sa lahat ng mga balitang kumakalat sa social media ngayon hindi lamang para sa ating mga sarili kundi lalo’t higit para sa ating mga mahal sa buhay.




error: Content is protected !!