Kilalanin si Ernie Baron o ang tinaguriang “The Walking Encyclopedia” ng maraming mga Pilipino noon!



Sa panahon natin ngayon, tunay nga na isang “click” mo lamang sa iyong cellphone o computer ay kayang kaya mo nang mahanap ang kasagutan sa iyong mga tanong lalo na kung tungkol sa Siyensiya at Kasaysayan. Ngunit ang mga kabataang Pilipino noon ay talaga namang tinututukan ang paglabas sa telebisyon o sa radyo ng nag-iisang “The Walking Encyclopedia” ng mga Pilipino.



Walang iba kung hindi si Ernie Baron. Si Ernesto “Ernie” Baron ang tinaguriang “The Walking Encyclopedia” na talaga namang hinahangaan ng publiko noong mga panahon na wala pa ng internet at social media. Siya ay isang batikang mamamahayag at imbentor noong siya ay nabubuhay pa. Higit sa 40 taon ang naging serbisyo niya sa pamamahayag. Siya ay mas nakilala ng publiko bilang “weatherman” ng “TV Patrol” sa ABS-CBN network.


Marahil ay marami pa sa mga Pilipino ngayon ang nakaaalala sa “Gintong Kaalaman” na isang general information program sa dating DZAQ na ngayon ay kilala na bilang DZMM Radyo Patrol 630. Ang programa din niya na may pamagat na “Knowledge Power” ay talaga namang sinubaybayan ng maraming mga Pilipino dahil sa mga kaalamang naibabahagi nito maraming mga tao lalo na sa mga kabataan.


Isa rin siya sa mga taong nagpalaganap ng adbokasiya sa paggamit ng ilang mga halamang-gamot katulad na lamang ng halaman na “pito pito” at maging ang “cleansing diet”. Bukod sa pagiging mahusay na mamamahayag ay siya rin ang imbentor sa likod ng “DC Super Antenna” o ang “Baron Super Antenna” na isa sa pinakaabot-kayang antenna para sa telebisyon na tinangkilik din ng maraming mga Pilipino.
Ilan sa mga karangalang kaniyang natanggap ay ang “Best Educational TV Program Host” sa Star Awards noong taong 2000, ang “One of 10 Most Interesting Personalities in 2001” ng ABS-CBN, at ang “Broadcast Journalist of the Year” taong 2005 na iginawad ng “Film Achievers’ Association”.



Talaga namang isa siya sa mga taong nagpamulat sa maraming mga Pilipino na iba pa rin ang mayroong taglay na kaalaman sa maraming mga bagay kung kaya naman dapat ay magsumikap tayong mag-aral para magkaroon din tayo ng magandang kinabukasan.




error: Content is protected !!