Kris Bernal engaged na sa kaniyang non-showbiz boyfriend!



Si Kristine Ann Bernal o mas nakilala ng publiko bilang si Kris Bernal ay 30 taong gulang na aktres na una nang napanuod sa fourth season ngreality-based talent search na “StarStruck” ng GMA Network. Labis ding hinangaan ng publiko ang pagganap niya sa karakter ni Rosette at ni Nimfa sa programang “Impostora”.

Nito lamang ika-6 na araw ng Pebrero ay ginulat nina Kris Bernal at ni Perry Choi ang publiko dahil sa pag-aanunsiyo nila ng kanilang nalalapit na kasal. Engaged na nga ang magkasintahan matapos mag-propose ni Perry noong Huwebes ng gabi, Pebrero 6. Sa El Circulo Restaurant sa Makati City naganap ang naturang proposal kung saan idinaos din ang birthday party ng nobyo ng aktres na si Kris mismo ang nag-organisa.



Hindi inaakala ni Kris na sa halip na siya ang magsosorpresa sa kaniyang nobyo ay siya pa ang mas nasorpresa dahil sa pag-aalok nito ng kasal sa kaniya. Ang nagbahagi ng ilang mga larawan ng naturang engagement ay si Charisse Santillan Tinio ng Nice Print Photography. Mapapansin sa ilang mga larawan ng magkasintahan ang naging paghahanda ni Perry para sa kaniyang sorpresa sa nobya. Mayroong hawak na mga “gold-letter balloons” ang ilan sa kanilang mga bisita na kung babasahin ay nakasaad ang mga salitang “WILL U MARRY ME?”


Makikita ang labis na kasiyahan at pagkasorpresa ng aktres sa nangyari. Mayroon siyang hawak na bungkos ng “long-stemmed sunflowers” habang ang nobyo niyang si Perry ay nakaluhod sa kaniyang harapan ay mayroong hawak na engagement ring. Agad namang nagyakap ang dalawa nang ibigay na ni Kris ang kaniyang matamis na “Oo” sa kaniyang minamahal.

Mayroon ding larawan ang Kapuso aktres kung saan masaya niyang ipinapakita ang kaniyang “engagement ring”. Si Perry Choi ay tatlong taon nang kasintahan ni Kris Bernal. Siya ay isang chef at businessman na kasosyo ng dalaga sa kaniyang restaurant business.





error: Content is protected !!