Dine-in plates ng mga sikat na fast-food chain sa bansa ginawang koleksiyon ng isang netizen!



Marami sa ating mga Pilipino ang talaga namang nakakikilala sa mga sikat na fast-food sa bansa. Sa dami ng mga ito ay hindi maipagkakaila na halos lahat ay nasubukan na nating kainan kasama ang ating mga kaibigan at mga mahal sa buhay. Tunay nga na sa mga sikat na kainan na ito ay mabubusog tayo hindi lamang sa sarap ng kanilang mga produkto, ang pambihira nilang pagtrato sa mga customers, at higit sa lahat ay ang pagiging mabilis at abot-kaya ng kanilang mga produkto.



Kamakailan lamang ay pumatok sa maraming mga netizens ang larawan na ito ni Mark Joshua Ramirez kung saan tampok ang mga plato na ginagamit ng mga sikat na fast-food chain sa bansa kung kakain sa loob ng restawran ang kanilang mga customers. Ang caption ng netizens ang talaga namang kinagiliwan ng publiko dahil sa naging pahayag ni Ramirez na “Mga collection ko nga po pala. Maraming salamat po sa nagkumpleto.”

Sa naturang koleksyon ni Ramirez ay naging kapan-pansin ang mga dine-in plates ng Chinese fast-food chain na “Chowking” na isang iconic bowl na mayroong cover, siyempre mayroon din siyang kulay pula na tray na nagsisilbing dine-in plate sa American fast-food chain na “McDonald’s”, mayroon din siyang “Jollibee”, at siyempre ang popular na kainan ng maraming mga Pilipinong mahilig sa unli-rice, ang “Mang Inasal”. Bukod nga sa green plate mula dito ay mayroon din siyang lagayan ng sawsawan nito.


Maraming mga netizens ang nagbigay ng kani-kanilang mga komento patungkol sa viral post. Ang ilan ay talaga namang namangha dahil sa hindi naman lahat tayo ay mayroon nito sa ating mga tahanan dahil sa ipinagbabawal talaga itong iuwi ng mga customers. Ilan pa sa mga netizens ang nagsabing irereport nila sa kinauukulan dahil sa pag-uumit ng mga bagay na hindi namab dapat kinukuha ng walang pahintulot. Ang viral na post na ito ay mayroon nang higit sa 14,000 na mga reaksyon, at higit sa 28,000 na mga shares habang isinusulat ang artikulo na ito.