Ilawan na gasera noon nagbibigay pag-asa sa maraming mga kabataang magkaroon ng magandang kinabukasan!



Maraming mga Pilipino ang talaga namang aminado na hindi biro ang buhay noon. Ilang mga kabataan noon ang nakaranas na hindi makapag-aral dahil sa kakapusan ng pera at talaga namang maging ang kanilang pagkain sa araw-araw ay hindi rin naging madali.



Para naman sa mga kabataang nagpursige na makapagtapos ng kanilang mga pag-aaral ay sadyang hindi naging madali ang lahat dahil sa kinailangan nilang dumanas ng matinding mga pagsubok at hamon sa buhay. Tulad na lamang ng mga batang gumagamit ng gaserang ilawan para lamang makapagbasa at makapagsulat sa tahanan nilang tila pinagkaitan ng liwanag.


Maraming mga pamilyang Pilipino noon ang nagtitiyaga na lamang sa ilawang gasera dahil sa hindi rin naman lahat ng pamilya ay kayang magpakabit o magpalagay ng kuryente sa kanilang mga tahanan. Ang mga ilawang gasera na ito ay gawa lamang sa mga basyo ng palaman ng tinapay o hindi kaya naman ay basyo ng bote ng alak.


Mayroon din itong kapirasong tela at nilalagyan ng gaas upang magpatuloy ang pagliyab at pagkakaroon nito ng apoy sa buong magdamag. Tunay nga na hindi madali ang magbasa o magsulat sa ganitong uri ng ilawan ngunit napagtagumpayan ito ng maraming mga Pilipino.

Sa ngayon ay marami na sa kanila ang nakapagtapos ng pag-aaral at tumatak sa kanilang mga puso hindi lamang ang hirap at katotohanan ng buhay kundi maging ang mga aral na natutunan nila sa mga ito. Kung kaya naman tiyak na magsisilbing aral ito para sa maraming mga Pilipino na mas maging mapagpasalamat pa sa lahat ng mga bagay na kanilang tinatangkilik.


Bukod pa rito ay hindi rin natin dapat ipagsawalang-bahala na lamang ang pagsasaksripisyo ng ating mga magulang para lamang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Totoo nga na hindi madali ang buhay noon, ngunit sa halip na mawalan tayo ng pag-asa ay napuno tayo ng determinasyon at pananampalatayang balang araw ay magkakaroon din ng katapusan ang ating mga paghihirap.