Isang ina na labis na nag-aalala para sa kapakanan ng mga anak, nagbahagi ng kaniyang panawagan sa publiko patungkol sa paglaganap ng COVID-19!



Kabi-kabila na nga ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang tuluyan nang masugpo ang paglaganap ng COVID-19 sa ating bansa. Ngunit sa kabila ng paalala ng publiko ay mayroon pa ring mga taong nagpapabaya at hindi siniseryoso ang mga krisis na kinakaharap natin sa ngayon.


Kamakailan lamang ay nagpahayag ang isang netizen ng kaniyang saloobin patungkol sa patuloy na paglaganap ng COVID-19 sa iba’t-ibang panig ng bansa. Sa kaniyang social media post ay ibinahagi niya ang kaniyang mga pangamba bilang isa ina.



Natatakot siyang maraming mga bata ang maapektuhan ng naturang karamdaman. Batid naman ng publiko na ang mga taong apektado ng COVID-19 ay hindi maaaring lapitan ng ibang tao dahil sa malaki ang posibilidad na mahawa rin sila.

At kung sakaling bata ang magkaroon ng ganitong karamdaman ay talaga namang mahihirapan at matatakot itong mag-isa sa ganitong uri ng sitwasyon. Bukod sa mawawalay siya sa kaniyang ina ay kakailanganin niya rin na manatili sa isang pagamutan hanggang sa siya ay tuluyan nang gumaling.


Mga piling tao lamang ang maaaring tumingin o magbantay sa kanila. Kung kaya naman pakiusap ng netizen na si Ma. Lourdes Kalalo ay huwag nang magmatigas pa ang ilang mga Pilipino dahil sa hindi lamang sila ang maaaring mapahamak lalo na ang mga inosenteng bata at mga matatandang nananahimik sa kanilang mga tahanan.

Sana ay mas lalong maintindihan ng publiko na ang krisis na kinakaharap natin sa ngayon ay hindi biro lamang. Marami nang mga apektadong kaso ngayon ng COVID-19 hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t-ibang panig din ng mundo.


Kung kaya naman mahigpit na pinag-iingat na lahat sa banta ng nakakahawa at nakakatakot na sakit na ito. Tunay nga na ito na ang panahon upang magkaisa tayong lahat. Maging disiplinado at responsableng mga mamamayan hindi lamang para sa iyong sarili kundi maging para sa ibang tao na rin na nasa iyong paligid.






error: Content is protected !!