Christopher de Leon, mabuti na ang kalagayan at malapit nang lumabas sa hospital matapos itong maging positibo sa COVID-19



Si Christopher Strauss de León o mas kilala ng publiko bilang si Christopher de Leon ay 63 taong gulang na aktor at pulitiko. Siya ay isa sa pinakasikat na aktor ng kaniyang henerasyon at hanggang sa ngayon ay talaga namang wala pa ring kupas ang kaniyang angking kahusayan sa pag-arte.



Ikinasal siya noon sa isa pang batikang aktres na si Nora Aunor. Sila ay nabiyayaan ng limang mga anak, sina Matet, Lotlot, Ian, Kenneth, at Kiko. Ngunit kalaunan ay nagkahiwalay rin ang dalawa.

Nang napawalang-bisa na ang kanilang kasal ni Nora Aunor ay nagpakasal namang muli ang aktor sa isa pang mahusay na aktres, si Sandy Andolong. Mayroon din silang limang mga anak, sina Rafael, Miguel, Gabriel, Mariel, at Mica.


Kamakailan lamang ay ikinagulat ng marami niyang tagahanga at tagasuporta na siya ay nagpositibo sa COVID-19. Ibinahagi niya ito sa publiko noong March 17, 2020.


Tunay nga na walang pinipiling tao ang sakit na ito, sikat man na artista o ordinaryong mamamayan ay walang ligtas sa naturang karamdaman. Ayon sa naging panayam ng PEP.PH sa kaniyang misis na si Sandy na kasalukuyang naka-self quarantine din ay maayos na ang lagay ng kaniyang mister.

Dahil sa malakas naman ang pangangatawan ng aktor ay maaari na itong makalabas ano mang araw ngayong linggo. Dagdag pa niya, nagpositibo man ang aktor sa COVID-19 ay tanging Rhinitis at allergy lamang ang nakitang sintomas sa kaniya.



Sa ngayon ay naka-quarantine ang buo nilang pamilya gayundin ang kanilang mga kasambahay upang masiguradong hindi na kakalat pa ang sakit. Gayundin naman ang ginawa ng mga kapwa artista ni Christopher na nakatrabaho nito sa taping ng “Love Thy Woman.”

Tunay nga na napakahirap ng sitwasyon natin sa ngayon. Hindi natin alam kung sino sa atin ang nahawa o nakahawa sa iba. Kung kaya naman mas nararapat talagang sundin ang mga dapat gawin at huwag nang maging pasaway pa. Hindi lamang para sa ating mga sarili kundi higit sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay.




error: Content is protected !!