Isang Syrian vlogger iniluto ang lahat ng kaniyang stock sa kaniyang restaurant upang ipamahagi ng libre sa mga taong nangangailangan



Ang sikat na vlogger na si Basel o mas kilala ng publiko bilang si The Hungry Syrian Wanderer ay isinara ang kaniyang restaurant na YOLO Bubble Milktea at Retro Diner mula nang magsimula ang lockdown sa buong Metro Manila. Kalaunan ay sa buong isla na rin ng Luzon ito ipinatupad at sa ilang mga lugar pa sa Pilipinas.



Ang napakabait na boss na ito ay binigyan ang kaniyang mga empleyado ng pambihirang pagkakataon na mag-grocery shopping upang magkaroon sila ng mga pangunahing pangangailangan nila para sa community quarantine. Ngunit hindi pala dito natatapos ang lahat dahil matapos lamang ang isang linggo na pananatili niya sa kaniyang tahanan ay nakapag-isip na naman siya ng isang misyon.


Ayon sa kaniyang post ay naisipan niyang magtungo sa kaniyang restaurant upang lutuin ang lahat ng mga natitira niyang stocks doon at ipamahagi sa mga nangangailangan ng libre. Nais niyang matulungan ang mga taong walang-wala sa mga panahong ito.


Pahayag pa niya, ang panahon na ito ay ang panahon upang hindi na isipin pa ang mga negosyo o ang sariling kapakanan dahil sa mas mainam na unahin muna ang kapakanan ng ibang tao at magtulungan para sa bawat isa. Niluto nga niya ang lahat ng kaniyang mga stocks tulad na lamang ng fries, isda, sausage, manok at mga tinapay.



Katuwang ang ilan sa kaniyang mga staff ay nagtungo sila sa isang lugar kung saan maraming mga “informal settlers” at doon namahagi ng mga pagkain. Maging ang ilang mga pusang ligaw ay binigyan din niya ng mga makakain.


Ang kaniyang mga restaurants ay wala pang tatlong buwan ang naging operasyon, mayroon na rin siyang ipinapatayong ikalawang branch ngunit lahat ng ito ay natigil muna dahil na rin sa panahon ngayon ng quarantine. Tunay nga na para sa kaniya ay mas dapat bigyang halaga ang mga taong nangangailangan ng tulong kaysa mamroblema tayo o di kaya naman ay isipin ang kawalan ng pera o trabaho ng marami sa atin.

Mas nararapat din na ipagpasalamat ang maraming mga bagay na mayroon tayo kaysa ang mga bagay na wala tayo sa ngayon. Patuloy tayong manalangin na sana ay malampasan at mapagtagumpayan natin ang krisis na ito, sa tulong ng bawat isa at ng ating mapaghimalang Diyos.






error: Content is protected !!