Mga nangongolekta ng basura nais ring malaman ng publiko na isa rin sila sa mga “Frontliners” ng ating bansa sa gitna ng banta ng COVID-19!



Marami sa atin ngayon ang nagpupugay at labis na nagpapasalamat sa ating mga bayaning frontliners na kadalasan ay mga doktor, mga nars, mga pulisya, sundalo, kawani ng lokal na pamahalaan at iba pang mga kaagapay na ahensya ng gobyerno, mga guwardiya, mag service crew frontliners at marami pang iba. Ngunit tila hindi natin nabibigyang-pansin ang ilan sa mga masisipag at walang pagod na mga taong nangongolekta ng basura natin.



Kung hindi dahil sa kanila ay hindi natin mapapanatili ang kalinisan at kaayusan ng ating kapaligiran. Kung kaya naman kahit doble pa ang banta sa kanilang kalusugan at maging sa kanilang mga buhay ng krisis natin sa ngayon dahil sa COVID-19 ay patuloy pa rin nilang ginagampanan ang kanilang mga obligasyon.




Kamakailan nga lamang ay mayroong isang netizen na nagbahagi ng kaniyang saloobin patungkol dito. Siya ay nakilala bilang si Juan Encinares Balaguer, isang basurero at ito ang kaniyang naging pahayag:



“Mga dakilang basurero (kami), sana naman tingnan din niyo kami. Frontliner din kami.” Aniya. Ilang mga netizens ang sumang-ayon sa kaniya ay nagkomentong tunay nga na isa rin sila sa ating mga frontliner sa panahon ngayon. Hindi biro ang kanilang trabaho kung kaya naman sana ay bigyan din sila ng pagkilala at pagpapahalaga hindi lamang ng publiko kundi maging ng mga lokal na pamahalaang nakakasakop sa kanila.




Tunay nga na marami sa atin ang ayaw nang lumabas ng ating mga tahanan dahil sa hindi natin batid ang panganib na mayroon sa labas ngunit kahit minsan lamang ba ay naisip natin na ang mga basurerong ito na ay nasa matinding panganib din oras na lumabas sila ng kanilang tahanan kabilang na rin ang kanilang mga mahal sa buhay. Kung kaya nararapat lamang na sila ay kilalanin at pasalamatan din ng maraming mga Pilipino sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin kahit pa mayroon pa ring banta ng nakakahawang sakit na COVID-19 sa maraming panig ng ating bansa at sa buong mundo.






error: Content is protected !!